Babala at Paalala sa Biglaang Pagtaas ng Tubig Dulot ng Matinding Pag-ulan
- Angat, Bulacan
- 3 days ago
- 3 min read

Nakababahala ngunit hindi na rin nakapagtataka ang biglaang pagtaas ng tubig na naranasan simula kaninang madaling-araw. Ito ay bunsod ng napakalakas na pagbuhos ng ulan na umabot sa 139 millimeters sa loob lamang ng tatlong (3) oras. Kung ikukumpara, ang ganitong dami ng ulan ay halos katumbas na ng karaniwang dami ng ulan sa loob ng isang buong buwan sa ilang bahagi ng bansa.
Batay sa klasipikasyon ng PAGASA, pumapasok na ito sa pinakamataas na antas ng pagbuhos ng ulan o ang tinatawag na Torrential Rainfall Classification. Ang ganitong uri ng sitwasyon ay itinuturing na kritikal dahil maaari itong magdulot ng matinding pinsala at panganib. Narito ang mga pangunahing epekto:
Mga Posibleng Epekto ng Matinding Pag-ulan
Matinding Baha (Severe Flooding).
Sa loob ng tatlong oras, ang ganitong karaming ulan ay higit na mabigat kaysa kaya ng mga kasalukuyang drainage systems. Dahil dito, madaling mangyari ang biglaang pagbaha o flash floods lalo na sa mga syudad at urban areas. Ang mga kanal at estero ay tiyak na mapupuno at maaaring magbara, na magreresulta sa mabilis na pag-apaw ng tubig.
Pagguho ng Lupa at Landslides.
Sa mga bulubundukin at matataas na lugar, halos hindi maiiwasan ang soil erosion at landslide. Ang bigat ng tubig na tumatama sa lupa ay nagdudulot ng pagkapuno ng tubig sa lupa, na nagiging sanhi ng biglaang pagguho.
Pagkagambala sa Transportasyon at Istruktura.
Malawakang pagkasira ng mga kalsada, tulay, at iba pang imprastruktura ang posibleng idulot. Maaari ring ma-stranded ang mga motorista, maantala ang biyahe ng pampublikong transportasyon, at maparalisa ang normal na galaw ng komunidad. Ganito rin ang nangyari sa ilang bahagi ng Maynila noong nakaraang Sabado kung saan naapektuhan ang normal na aktibidad ng mga residente.
Mga Dapat Gawin: Bago, Habang, at Pagkatapos ng Malakas na Ulan
Upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa, nararapat na sundin ang mga sumusunod na paalala:
✅ Bago ang Ulan
Patuloy na makinig sa balita at opisyal na abiso mula sa PAGASA, LGU, at NDRRMC.
Ihanda ang emergency kit na may lamang flashlight, extra batteries, tubig, pagkaing hindi madaling masira, first aid kit, gamot, cellphone, at powerbank.
Suriin ang bahay, linisin at siguraduhing hindi barado ang alulod at mga kanal.
Maghanda ng evacuation bag na naglalaman ng damit, IDs, cash, at mahahalagang dokumentong nakalagay sa waterproof bag.
Alamin ang pinakamalapit na evacuation center at makipag-ugnayan sa barangay para sa maayos na plano ng paglikas.
✅ Habang Malakas ang Ulan
Iwasang lumabas ng bahay kung hindi naman emergency.
Huwag subukang tumawid sa baha dahil maaari itong magtaglay ng malakas na agos, kontaminadong tubig, o nakatagong panganib.
Patayin agad ang kuryente kapag pumapasok na ang tubig sa bahay upang maiwasan ang kuryente.
Agarang lumikas patungo sa mas mataas na lugar o evacuation center kapag umabot na sa baywang ang tubig.
Para sa mga nasa bulubundukin, magbantay sa mga palatandaan ng landslide tulad ng pagbitak ng lupa, pagguho ng maliliit na bato at lupa, o kakaibang tunog mula sa bundok.
✅ Pagkatapos ng Ulan
Huwag agad bumalik sa bahay kung nag-evacuate; hintayin muna ang opisyal na abiso na ligtas nang bumalik.
Mag-ingat sa pagbabalik dahil maaaring may live wires, matutulis na bagay, o maruming tubig na maaaring magdulot ng sakit.
Gumamit lamang ng malinis na tubig; pakuluan muna bago inumin upang makaiwas sa sakit.
Iulat agad sa barangay o LGU kung may nakaharang na puno, bumagsak na poste, o nasirang kalsada.
Linisin at i-disinfect ang bahay upang maiwasan ang leptospirosis, dengue, at iba pang sakit mula sa baha.
⚠️ Mahalaga at Agarang Paalala
Ang ganitong kalakas na ulan ay maihahambing sa mga naranasan noong malalakas na bagyo tulad ng Ondoy noong 2009 na nagdulot ng malawakang pagbaha at pinsala. Kaya’t huwag nang maghintay pa ng mas matinding sitwasyon. Kung may inilabas na Red Rainfall Warning o abiso ng forced evacuation, sumunod agad para sa kaligtasan ng buong pamilya.
Pananagutan ng Pamahalaang Bayan
Sa panig ng Pamahalaang Bayan, lalo pang paiigtingin ang mga hakbang upang makapaglatag ng pangmatagalang solusyon sa ganitong uri ng kalamidad. Kabilang dito ang mas maayos na disaster preparedness programs, pagpapalakas ng drainage systems, pagpapatupad ng sustainable urban planning, at pagtutok sa climate adaptation measures. Layunin nito na mapagaan, kung hindi man lubusang maiwasan, ang negatibong epekto ng matitinding pag-ulan sa buhay, kabuhayan, at ari-arian ng ating mga mamamayan.