Nabigyang katuparan na naman po ang isa sa ating mga pangarap para sa bayan ng Angat! Opisyal nang pinasinayaan ang Super Health Center sa Barangay Taboc nitong Hunyo 4 na inaasahang magbibigay ng mas mahusay at mas malawak na serbisyong pangkalusugan para sa mga Angatenyo.
Taong 2022, nang ang inyong lingkod ay magsimulang gampanan ang pagiging Ama ng Bayan, isa sa mga inihanay nating prayoridad na plano ang pagtatayo ng dagdag na Rural Health Unit sa bayan ng Angat, bilang konsiderasyon sa kalagayan na wala pa tayong pampublikong ospital sa ating bayan. Batay ito sa malalimang pagpaplano ng inyong lingkod katuwang ang ngayo’y nanunuparang Municipal Health Officer na si Dr. Emma Bartolome.
Sa kabutihang-palad, sumalubong sa ating hangarin ang pambansang programa na itinulak ni Sen. Bong Go sa Senado—ang pagtatayo ng mga Super Health Center (SHC) sa bawat Distrito ng Pilipinas. Sa ganitong kalagayan, nagpursige naman ang ating Kintawan ng Ikaanim na Distrito Cong. Ador Pleyto na itulak ang pagtatayo ng SHC sa bayan ng Angat.
Si Cong. Pleyto ang katuwang po natin sa pangungulit at pakikiusap kay Regional Director Cora Flores ng Central Luzon Center for Health Development upang katigan ang ating panukala na sa bayan ng Angat maitayo ang isang SHC na nakalaan para sa Ikaanim na Distrito ng Bulacan. Kaya naman sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagsisikap na ito, nabigyang-hugis ang ating pangarap noong unang kwarto ng 2023 nang ito ay maaprubahan at nabigyan ng Permit to Construct.
At sa mahigpit din na pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng Sangguniang Barangay ng Taboc (sa pamumuno ni dating Kap. Dominador Agustin), kaagad nating sinimulan ang pagpapatupad at pagbubuo ng Super Health Center na ito sa layuning matugunan ang matagal nang daing na kakulangan ng ating komunidad sa primary healthcare services mula sa mga check-up, bakuna, laboratoryo, at iba pang pangangailangan sa kalusugan.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng ating pangako na bigyan kayo ng mas maayos at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan na bukas para sa lahat. Tuloy tayo sa pag-angat tungo sa asenso at reporma!
Comentários