Pulong-Konsultasyon ukol sa Sta. Cruz–Encanto Bridge at Kalawakan–Encanto Farm to Market Road, Isinagawa
- Angat, Bulacan

- Jul 10
- 2 min read

Bilang tugon sa mga reklamo at hinaing ng mga mamamayan hinggil sa matagal nang pagkakabinbin ng konstruksiyon ng Sta. Cruz–Encanto Bridge, inanyayahan ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang mga kinatawan mula sa Provincial Engineering Office (PEO) sa pamumuno ni Engr. Glen Reyes, gayundin ang kinatawan ng kontratista ng proyekto. Kasama rin sa dayalogo ang mga opisyal at piling residente ng Barangay Sta. Cruz at Barangay Encanto.
Layunin ng konsultasyon na magbigay-linaw at ipaliwanag ang mga dahilan sa mabagal na usad ng konstruksiyon, hindi lamang ng nasabing tulay kundi pati na rin ng Kalawakan–Encanto Farm to Market Road.
Sa isinagawang dayalogo, inamin ng PEO at ng kontratista ang ilang mga naging suliranin at kakulangan sa pagpapatupad ng proyekto.Una, imbes na pre-stressed beams ang gamitin sa tulay, on-site constructed beams ang ginamit dahil sa limitasyon ng daan na hindi kayang pasukin ng malalaking trak.Ikalawa, ayon sa kontratista, ay tinamaan nila ang lumang pundasyon ng dating tulay, kaya kinakailangan nila itong tibagin nang mano-mano, na syang naging sanhi ng matagal na pagkaantala.
Bagamat may naging pagkukulang, nangako ang kontratista na tatapusin ang tulay sa pinakamatagal na panahon hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon. Maglalagay din ng billboard sa mismong site upang makita ng publiko ang petsa ng inaasahang pagtatapos ng proyekto, at upang maging transparent ang komunikasyon sa mga mamamayan kaugnay ng progreso ng proyekto.
Samantala, bagamat wala ang kontratista ng Kalawakan–Encanto Farm to Market Road, ipinahayag ni Engr. Reyes na inaasahang matatapos ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, depende sa kalagayan ng panahon.
Mahalagang linawin na ang mga nabanggit na proyekto ay sakop ng pamamahala ng panlalawigang pamahalaan. Sa kabila nito, ang lokal na pamahalaan ng Angat ay patuloy na makikipag-ugnayan at magbibigay-suporta sa abot ng makakaya, upang matiyak ang maagap na pagtatapos ng mga proyektong ito na may malaking papel sa pag-unlad at kaligtasan ng ating mga mamamayan.









Comments