Bayan ng Angat, Ipinagdiwang ang National Women’s Month 2026
- Angat, Bulacan

- 1 day ago
- 1 min read

Buong pagkakaisang ipinagdiwang ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang 2026 National Women’s Month na may temang “Lead Like the Babaylans, Filipinas!” Isang makabuluhang programa ang idinaos upang bigyang-pugay ang galing, liderato, at kontribusyon ng mga kababaihan sa lipunan.
Ang nasabing selebrasyon ay matagumpay na isinagawa sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa ilalim ng pamumuno ni Ms. Menchie Bollas. Personal ding nagpaabot ng kanyang suporta ang ating Punong Bayan Igg. Reynante S. Bautista, kasama sina Konsehal Blem Cruz at Konsehal JP Solis, na nagpapatunay sa dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga kababaihan.

Naging makulay ang pagdiriwang sa pakikilahok ng iba’t ibang sektor ng komunidad, kabilang ang Persons with Disability (PWDs) , Senior Citizens, Solo Parents, ALAB, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries, BVAW Desk Officers, LLN, BTEC, at mga Child Development Workers.
Nagbahagi rin ng mahahalagang kaalaman at inspirasyon sina Master Sergeant Jenna Galion ng PNP Angat at Municipal Health Officer Dra. Emma Bartolome. Tinalakay nila ang mga usaping legal, seguridad, at kalusugan na direktang nakakaapekto sa mga kababaihan at sa buong komunidad.
Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang isang seremonya, kundi isang paraan ng pagkilala sa mahalagang papel ng bawat kababaihang Angateño bilang mga lider at tagapagtaguyod ng positibong pagbabago. Sa temang "Lead Like the Babaylans," muling pinatunayan ng mga kababaihan sa Angat na sila ang modernong inspirasyon ng katatagan at malasakit sa bayan.









Comments