PNP, Pinaigting ang Patrolya sa Brgy. Sta. Lucia para sa Semana Santa
- Angat, Bulacan

- Mar 13
- 1 min read

Bilang paghahanda sa dagsa ng mga lokal na turista ngayong nalalapit na Kuwaresma, mas pinalakas ng Angat Municipal Police Station (MPS) ang kanilang pagbabantay sa mga cottage at paliguan sa kahabaan ng Angat River sa Barangay Sta. Lucia ngayong ika-13 ng Marso, 2026.
Ang operasyon ay pinangunahan ni Pat. John Lloyd Lobos (Patrol PNCO), sa ilalim ng direktiba ni PMAJ Joel M. Alba, Acting Chief of Police. Dakong alas-12:00 ng tanghali nang simulan ang Police Visibility at Beat Patrolling sa mga tanyag na bakasyunan sa naturang barangay.
Pangunahing layunin ng hakbang na ito na masiguro ang seguridad ng mga bumibisita at maiwasan ang anumang insidente ng krimen. Bukod sa seguridad, mahigpit ding nagpaalala ang mga awtoridad sa mga pamilyang nagbabakasyon upang maiwasan ang anumang insidente ng pagkalunod (drowning incidents), lalo na sa mga bahagi ng ilog na may malalim na agos.
Ayon sa PNP Angat, ang presensya ng kapulisan sa mga pampublikong pasyalan ay bahagi ng kanilang proaktibong serbisyo upang matiyak na magiging mapayapa, maayos, at ligtas ang paggunita ng publiko sa darating na Semana Santa. Hinikayat din ang mga turista na makipagtulungan sa mga lifeguards at sundin ang mga babalang nakapaskil sa paligid ng ilog.









Comments