MJSB sa Angat: Higit 430 Residente, Nabigyan ng Libreng Serbisyong Medikal

Matagumpay na naisagawa ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang Municipal Joint Services sa Barangay (MJSB) na naglayong mailapit ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Barangay Sta. Lucia, Binagbag, Baybay, at Paltok.
Umabot sa humigit-kumulang 430 benepisyaryo ang nakatanggap ng libreng serbisyong medikal, habang 24 na pamilya naman ang nabigyan ng direktang serbisyo sa pamamagitan ng isinagawang dalaw-bahay upang matiyak na naabot ang mga mamamayang nangangailangan ng tulong-pangkalusugan.

Bahagi rin ng programa ang pagbibigay ng personal hygiene at dental health services sa 149 na mag-aaral ng Benito C. Cruz Elementary School upang itaguyod ang wastong pangangalaga sa sarili at kalusugan ng ngipin ng mga kabataan.
Naging katuwang ng munisipyo sa pagpapatupad ng programa ang One Life, Angat Eye Clinic, at mga boluntaryo mula sa Angat Kalusugan at Jowable Youth.
Personal na dinaluhan at sinubaybayan ang aktibidad nina Punong Bayan Igg. Reynante S. Bautista, Konsehal Luis J. Santiago, Konsehal John Patrick DC. Solis, at ng Sangguniang Barangay ng Sta. Lucia sa pangunguna ni Punong Barangay Alexander M. Tigas. Sa pamamagitan ng MJSB, patuloy na isinusulong ng pamahalaang bayan ang mabilis at direktang paghahatid ng libreng serbisyo sa mga barangay, lalo na para sa mga pamilyang nangangailangan ng access sa pangangalagang pangkatawan.











Comments