Nitong nakaraang Lunes (Enero 6) ay nagbigay ng ulat ang ating Municipal Planning and Development Office na ang isang bahagi ng tulay ng Sta. Cruz-Encanto ay may basag sa bandang gitna kung kaya’t inirerekomenda ng ating mga inhinyero na huwag munang padaanin dito ang mabibigat na sasakyan.
Ang tulay/daang ito ay bumabagtas sa jurisdiction ng probinsiya kung kaya’t hindi otorisado ang Pamahalaang Bayan ng Angat na magpatupad ng aksyon upang limitahan ang mga dumadaan sa nasabing tulay. Kaya naman ang agad natin ginawa ay ang umapela at manawagan sa Pamahalaang Panlalawigan, maging sa DPWH upang inspeksyunin ang tulay at magrekomenda na huwag munang padaanin dito ang mga trak at iba pang mabibigat na sasakyan/equipment. Kalakip po nito ang ating pormal na liham para sa nasabing mga tanggapan.
Hindi po totoo na walang ginagawang aksyon ang ating Pamahalaang Bayan. May limitasyon po ang aming kapangyarihan sa usaping ito. Ang tanging magagawa po namin sa ngayon ay magbigay impormasyon sa mga mamamayan at umapela sa mga dumaraang trak na huwag munang daanan ang nasabing tulay bilang bahagi ng pag-iingat. Wala po kaming kapangyarihan na pigilan sila hanggat walang Ordenansang inilalabas ang Sangguniang Panlalawigan tungkol dito. Kaya naman kami po ay makikiusap muna sa mga truck operators/drivers na hangga’t maaari ay iwasan na po nating dumaan sa tulay. Umaapela rin po kami sa pagkakataong ito sa Pamahalaang Panlalawigan upang aksyunan sa kagyat ang aming inihapag na apela.
Comentarios