Patunay ng Sipag at Disiplina: Mayor Jowar Bautista, Sinaluduhan ang mga Exiting 4Ps Households sa Angat
- Angat, Bulacan

- 3 days ago
- 2 min read

Hindi forever ang kahirapan, hindi rin forever ang ayuda!" Ito ang naging matapang at positibong mensahe ni Punong Bayan Igg. Reynante "Jowar" S. Bautista sa pagbibigay-pugay ng lokal na pamahalaan sa mga pamilyang matagumpay na nagtapos at nag-exit mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ngayong taong 2026.
Ayon kay Mayor Jowar, ang pagtatapos ng mga pamilyang ito sa programa ay hindi nangangahulugang inalisan sila ng tulong, kundi ito ay isang malaking tagumpay na nagpapatunay na nakamit na nila ang mas matatag na antas ng pamumuhay at hindi na kabilang sa sektor ng labis na naghihirap.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ng Punong Bayan na ang 4Ps, bilang isang Conditional Cash Transfer Program ng pamahalaan, ay idinisenyo upang maging tulay at pagkakataon para sa mga mahihirap na pamilya. Sa pamamagitan ng pagtupad sa mga kondisyon sa kalusugan at pagpapaaral sa mga anak, layunin nitong bigyan ng matatag na pundasyon ang bawat tahanan upang maging handa sa mga hamon ng buhay.
Ginamit din ng Punong Bayan ang pagkakataon upang sagutin ang mga kritisismo at maling akala ng ilan na ang mga benepisyaryo ay "umaasa lamang sa ayuda."
Ayon sa pamahalaang bayan, ang mga pamilyang matagumpay na nag-exit ngayong taon ang buhay na patunay na ang tunay na layunin ng 4Ps ay magtagumpay—ang maging produktibo, disiplinado, mas matatag, at kalaunan ay hindi na umasa sa tulong-pinansyal mula sa gobyerno. Ang kanilang pagtatapos ay bunga ng sarili nilang pawis, sipag, at tiyaga.
Taos-pusong ipinahayag ng buong Pamahalaang Bayan ng Angat ang kanilang labis na pagmamalaki sa tagumpay ng mga nagtapos na kababayan. Sila ay tinaguriang mga huwaran ng disiplina at pagsusumikap na dapat tularan ng iba pang pamilyang nangangarap ding umunlad.









Comments