Pamahalaang Bayan, Nag-inspeksyon sa Milyon-Milyong Proyektong Pang-imprastraktura sa Angat
- Angat, Bulacan
- 2 days ago
- 1 min read

Upang matiyak ang de-kalidad at maayos na pagpapatupad ng mga pampublikong proyekto, personal na pinangunahan ni Punong Bayan Igg. Reynante S. Bautista ang inspeksyon sa mga natapos at kasalukuyang isinasagawang imprastraktura sa iba't ibang barangay ng Angat.
Kasama ng Punong Bayan sa naturang ocular inspection sina Municipal Engineer Engr. Jerome Del Rosario at Planning Officer Engr. Arnel Trinidad.
Layunin ng pagbisita na masubaybayan ang progreso ng mga kalsada, matiyak na nasusunod ang tamang pamantayan sa konstruksyon, at masigurong ang bawat piso mula sa pondo ng bayan ay napupunta sa kapakinabangan ng mga Angateño.
MGA ININSPEKSYONG PROYEKTO NG PAMAHALAANG BAYAN:
Concreting of Farm-to-Market Road (Pire, Brgy. Sta. Lucia) – ₱1.7M
Concreting of Road (Sitio Bagong Silang, Brgy. Baybay) – ₱1.2M
Concreting of Road (Sitio Tugatog Phase II, Brgy. Marungko) – ₱1.7M
Concreting of Blue Sapphire–Opal Street (Brgy. Sta. Cruz) – ₱1.8M
Concreting of Road (Manuel Compound, Brgy. Sta. Cruz) – ₱5.0M (GAA 2026)
Ang mga nabanggit na proyekto ay pinondohan sa ilalim ng 20% Development Fund at iba pang pondong inilaan ng pamahalaan para sa imprastraktura.

Ayon sa Pamahalaang Bayan ng Angat, ang patuloy na pagpapaganda at pagpapasemento ng mga kalsada ay malaking tulong sa mga magsasaka, residente, at biyahero upang maging mas mabilis, ligtas, at maginhawa ang pagbibiyahe at pagpapadala ng mga produkto sa bayan.
Nangako naman ang pamunuan ni Mayor Bautista na patuloy nilang babantayan ang mga proyekto sa Angat upang matiyak ang tapat at transparent na paglilingkod sa mamamayan.





