Pahayag Hinggil sa Trapikong Dulot ng Indakan sa GulayAngat
- angat bulacan
- Oct 27
- 1 min read

ANGAT, BULACAN — Kaugnay ng mga reklamo mula sa ilang Angateño na nahuli sa pagpasok sa trabaho noong umaga ng Oktubre 24, 2025, dahil sa Indakan sa GulayAngat, humihingi ng pang-unawa at paumanhin ang pamahalaang bayan sa abalang idinulot ng nasabing aktibidad.
Sa inilabas na pahayag ng pamunuan, nakikiusap ito sa mga tanggapan, establisimyento, at pagawaan na magbigay ng konsiderasyon sa mga empleyadong naapektuhan ng mabigat na daloy ng trapiko.
Bagama’t may paunang abiso na ipinalabas bago ang aktibidad, inamin ng lokal na pamahalaan na hindi pa rin naiwasan ang pagsisikip ng mga lansangan dulot ng lawak ng parada at dami ng lumahok.
Ang GulayAngat Festival ay taunang pagdiriwang bilang pagkilala sa pagkakatatag ng Bayan ng Angat. Isa itong kaganapang naglalayong pag-isahin ang komunidad, ipagdiwang ang kultura at pagkakakilanlan ng bayan, at pasiglahin ang lokal na ekonomiya.
Nagpasalamat ang pamahalaan sa patuloy na suporta at pang-unawa ng publiko, at nangakong patuloy na magpapaalala at mag-aayos ng daloy ng trapiko sa mga susunod na aktibidad.







Comments