top of page
bg tab.png

PAGHAHAWAN NG LANDAS TUNGO SA ASENSO AT REPORMA: Unang Anim na Buwan ni Mayor Jowar


Hindi Madali ang Pagbabago


Hindi makakamit ang ASENSO AT REPORMA na hinahangad ng bawat Angatenyo kung hindi tutugunan ang bawat pangangailangan ng mamamayan. Dahil dito, ang mabuting pamamahala ay nagsisimula sa mabuting pagpaplano upang maialatag ang landas tungo sa kaunlaran.


Sa unang anim na buwan pa lamang ng panunungkulan ni Mayor Reynante “Jowar” S. Bautista ay ipinakita na ang mga pagsisikap upang maiangat ang pamumuhay ng mamamayan.


Mula sa nabuong Executive-Legislative Agenda, nagpatupad ang bagong administrasyon ng mga programa sa Kalusugan; agrikultura; pangangalaga sa kalikasan; imprastraktura o pagawaing bayan; turismo; pagpapaunlad ng ekonomiya; edukasyon at programang pang-kabataan; kapayapaan ng mga komunidad at paghahanda sa kalamidad; at pagsasakatuparan ng tapat at mabuting pamamahala.


Malusog na Mamamayan ang Papanday sa Maunlad na Bayan


Buo ang paniniwala ni Mayor Jowar na ang pagkakaroon ng malusog na mamamayan ay susi para sa isang progresibong bayan. Kaya naman nagpatupad ng iba’t ibang programa ang Pamahalaang Bayan upang tiyakin ang kalusugan ng mga nasasakupan.


Pangunahin dito ang paglalapit sa bawat Angatenyo ng mga serbisyong medikal sa ilalim ng programang “Gamutan sa Barangay para ARegladong Kalusugan”. Sa pamamagitan nito, nakapagbibigay ng libreng dental, medikal at optikal na serbisyo; libreng laboratory para sa mga higit na nangangailangan, bakuna para sa mga bata at matanda; at libreng gamot sa iba’t ibang uri ng sakit sa mga barangay kung saan bumababa ang pangkat na naglulunsad ng misyong medikal tuwing ikalawa at ikaapat na lingo ng bawat buwan.


Naging katuwang din ang Pamahalaang Bayan sa pagpapamahagi ng tulong sa mga Angatenyo, kabilang ang DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na natanggap ng mahigit 800 benepisyaryo mula sa Angat noong unang anim na Buwan ng bagong administrasyon.

Sinisimulan na rin ang pagtatayo ng Dialysis Center, na pinondohan ng pamahalaang bayan ng halos 7.5 milyong piso. Ito ay upang hindi na lumayo pa ang mga Angatenyong nangangailangan ng dialysis at agad silang mabigyan ng karampatang atensyong medikal.


Patuloy din pagsubaybay sa mga programa para sa nutrisyon sa pamamagitan ng regular na pagpapatupad ng mga programa ng Municipal Nutrition Committee. Nagkaroon din ng misting at disinfection activities sa mga paaralan para matiyak ang kalusugan ng mga mag-aaral.


Ang pagkakaroon ng malusog na mamamayan ay susi para sa isang progresibong bayan.


Itinatanim Natin ang Kaunlaran

Bilang pagkilala sa napakahalagang ambag ng mga magsasaka sa Bayan ng Angat, nagbigay ng parangal ang Pamahalaang Bayan sa pamamagitan ng Gawad Linang para sa Natatanging Magsasakang Angatenyo.

Ipinagkaloob ang gawad at pagkilala sa okasyon ng pagdiriwang ng GulayAngat Festival.


Nakipagtulungan din ang Pamahalaang Bayan sa pagsasagawa ng mga pagsasanay sa Farmers Field School upang mapaunlad ang kaalaman tungkol sa "Production of High-Quality Inbred Rice and Seed Certification and Farm Mechanization." Mula rito ay nakatanggap ng sertipikasyon ang 27 magsasaka Angatenyo bilang patunay ng kanilang ganap na pagkakaroon ng kasanayan dito.


Maliban sa pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa pagtatanim ay napagkalooban din ng mga pasilidad ang mga magsasaka, kabilang ang Post-Harvest, Production, and Irrigation Facilities (Warehouse with Dryer & Packaging House).


Sa hinaharap ay hangad ng ating Punong Bayan nap ag-ibayuhin pa ang mga programang pang-agrikultura upang magbigay ng benepisyo sa ating mga magsasaka. Sa gayon ay anihin natin ang mas maunlad na bukas ng agricultural na bayan ng Angat.


Pangangalaga sa Kalikasan para sa Kinabukasan


Naging pangunahing programa ni Mayor Jowar sa kanyang unang araw sa panungnungkulan bilang Ama ng Angat ang regulasyon ng quarry operations. Agad siyang nagpadala ng liham kay Gob. Daniel R. Fernando upang imungkahi na ipatigil pansamantala ang quarry operations sa Angat upang mabigyang panahon na pag-aralan ang lawak ng operasyon ng quarry. Sa pamamagitan rin nito ay mabibigyan ng pagkakataong imbestigahan at aralin ang ang mga reklamo ng mamamayan bilang tugon sa kanilang hinaing kaugnay ng labis-labis na aktibidad na nagdudulot ng pinsala sa kalikasan at mamamayan ng Angat.


Sa isinagawang Joint Fact Finding/Inspection ng BENRO at Pamahalaang Bayan ay may mga nadiskubreng illegal quarry operators, at agad nagrekomenda si Mayor Jowar ng pagpapahinto ng operasyon nito at panagutan ang kanilang paglabag. Maliban sa illegal na operasyon ay natuklasan na may mga quarry operators na lumalampas na sa pinahintulutang volume ng quarry materials. Halimbawa, may quarry operator na binigyan ng permit para mag-quarry sa dalawang ektarya ang natuklasang nagbubungkal sa mahigit limang ektaryang lupa.


Sa kasalukuyan ay patuloy na pinagsisikapang makasunod ang mga quarry operators sa regulasyong itinatakda ng lokal na pamahalaan at umayon sa batas kaugnay ng pagku-quarry.

Maliban sa regulasyon ng quarry, nagsasagawa ng regular na paglilinis sa kahabaan ng mga pangunahing lansangan sa Angat upang hindi mapunta ang mga basura sa mga kanal at kailugan. Pinaigting din ng Pamahalaang Bayan ang mga programa sa pagsasaayos ng basura.


Sa bahagi ng MENRO, naglunsad ngproyektong “Palit-Basura

Pang-Eskwela” upang hikayatinang mga nasa sektor ng edukasyon na

makiisa sa kampanya sab asura.Sa ilalim ng proyektong ito, ang mga ginupit na plastic ay maaaring ipalit ng mga gamit sa paaralan.


Isinaayos din ang pangongolekta ng basura sa bawat barangay upang madala sa Materials Recovery Facility (MRF). Pagdating sa MRF ay ginigiling angmga tuyong plastic at papel

upang ihanda sa pagrecycle nito.


Inaasahan na sa hinaharap ay mapapalawak at mapapaunlad pa ang mga maliliit na pagsisikap na nasimulan sa unang anim na Buwan ni Mayor Jowar. Mahalaga para kay Mayor Jowar ang pangangalaga sa kalikasan upang tiyakin na may maayos na kalikasan tayong maipapamana para sa susunod na henerasyon ng mga Angatenyo.


Pagtatatag ng Matibay na Pundasyon ng Pag-unlad


Bahagi ng pag-unlad ang pagtitiyak ng pagtatayo at rehabilitasyon ng mga mahahalagang imprastraktura. Dahil dito, nagsagawa ng mga proyekto ang Pamahalaang Bayan kabilang ang pagtatayo ng bagong Multi-Purpose Building sa Barangay Niugan na magagamit ng kanilang Pamahalaang Barangay sa pagbibigay ng mahusay at epektibong serbisyo para sa kanilang mga mamamayan.


Nagkaroon din ng mga proyektong Concreting of Road sa mga barangay ng Binagbag, Pulong Yantok, Sto. Cristo, Marungko, at Paltok upang maging maayos ang daloy ng trapiko at maiwasan ang anumang aksidenteng dulot ng sirang kalsada. Isinaayos din ng Pamahalaang Bayan ang daan sa Sapang Patay, Binagbag na nasira ng pagragasa ng Super Typhoon Karding noong Setyembre, 2022.


Kasabay nito ay nagkaroon din ng Construction of Drainage Canal sa mga barangay ng Paltok, Pulong Yantok, Sta. Cruz, Sulucan, Niugan, Sta. Lucia, Binagbag, at Taboc. Naglagay rin ng grouted riprap sa Barangay Sulucan upang mapigilan ang pagguho ng lupa na magiging sanhi ng pagkipot ng sapa.

Para sa kaginhawaan ng mga bumibisita sa kanilang mahal sa buhay, naglagay rin ang Pamahalaang Bayan ng palikuran(comfort room) sa Angat New Public Cemetery. Inaayos rin ang Angat Municipal Gymnasium bilang paghahanda sa mga programang isasagawa rito. Sa patuloy na pagpapatupad ng proyektong imprastraktura, mabilis na dadaloy ang pag-unlad sa bayan ng Angat.


Pagtatampok at Pagpapahalaga sa Kulturang Angatenyo

Sa isang bayan o munisipalidad, napakahalaga ng pagkakakilanlan na siyang magtatampok o magpapakilala sa katangiang taglay ng isang bayan. Kaya naman mahalagang pagyamanin at paunlarin ang mga produktong angkin, tradisyon at kulturang taglay ng isang bayan.


Sa pagdiriwang ng Ika-339 Taong Pagkakatatag ng Angat noong Oktubre 24, 2022 ay inilunsad ang kauna-unahang pagdiriwang ng festival sa bayan ng Angat—ang GulayAngat Festival o Gunita ng Lahi at Yamang Angat Festival.


Sa temang “Binhi ng Kasaysayan, Payabungin… Bunga ng Pag-ahon at Pag-angat, Anihin!” ipinakita ng mga Angatenyo ang kani-kaniyang talento sa iba’t ibang kompetisyon kabilang ang Himig ng GulayAngat Songwriting Competition, Lakan at Lakambini ng GulayAngat, Indakan sa GulayAngat, Hapag ng Pamana, at Laro ng Laking GulayAngat.


Masasabing naging matagumpay ang panimulang paglulunsad ng GulayAngat Festival sa kabila ng iksi ng panahon para sa preparasyon at limitasyon sa rekurso. Inaasahan na higit pang mapaghahandaan ang mga susunod na selebrasyon ng makasaysayang pestibidad sa bayan ng Angat.


Naging bahagi rin ang pamahalaang bayan sa pagbubukas ng Angat Pasalubong Shop na matatagpuan sa Café Maharlika, Barangay Tugatog, Angat. Mabibili rito ang iba’t ibang produktong ipinagmamalaki ng mga Angatenyo, kabilang ang mga gulay at prutas.


Mula sa mga proyektong ito ay naipapakilala ang Bayan ng Angat at ang mayamang kultura nito.


Makabuluhan ang Pag-angat kung ang Lider ay Tapat


Mahalaga ang bawat pinagmumulan ng pondo dahil ito ang ginagamit sa mga programa at proyekto na nagbibigay-serbisyo sa mamamayan. Ang anumang kaunlaran na ipinapatupad ay dapat na para sa kapakinabangan ng taumbayan. Kaakibat nito ay nangangailangang ng tapat nap ag-uulat ang pamamalakad sa pamahalaan.

Kaya naman matapat na iniuulat ng Pamahalaang Bayan na sa kabila ng regulasyon sa quarry ay lumaki pa ang kita ng lokal na pamahalaan mula dito. Sa unang anim na buwan pa lamang ng termino ni Mayor Jowar, nakapagpasok ito ng halos 7.5 milyong piso sa pondo ng bayan mula sa mga repormang isinagawa nito sa quarry operations. Katumbas ito ng 187.5% paglago kumpara sa koleksyon noong unang semestre ng 2022.


Maliban sa quarry ay pinagkukunan din ng pondo ng pamahalaang bayan ang buwis na binabayaran ng mga lokal na negosyo at kita mula sa Pamilihang Bayan. Kaugnay nito, ipinatupad agad ang pagsuyod ng Joint Inspection Team para sa Business Permit Licensing System. Sa pag-ikot ng inspection team ay hinikayat nila ang mga nagmamay-ari ng negosyo na sumunod sa itinatakda ng batas at ayusin ang kanilang permit. Ang pagsisikap na ito ay naghatid ng relatibong pagtaas sa koleksyon sa buwis ng ating lokal na pamahalaan.


Kabilang din sa sinimulang isaayos ay ang ating Pamilihang Bayan. Sa pamamagitan ng pulong ng mga opisyal ng Vendor sa Pamilihan ng Angat, Bulacan Assn., Inc. (PABAI) upang agad na mapaghandaan ang mga kinakailangang dokumento sa pagkuha ng Business Permit. Tinalakay din ang mga maaaring gawin para sa ikakaayos at ikagaganda ng Pamilihang Bayan.


Edukasyon Para sa Lahat


Kabataan ang paboritong sektor ng ating Punong Bayan kaya naman hindi niya isinaisantabi ang proyektong pang-edukasyon para sa ating mga kabataan.

Bago matapos ang Ikaanim na Buwan ni Mayor Jowar sa panunungkulan ay naisakatuparan ang pagkakaloob ng Educational Assistance o tulong-pinansyal sa 222 mag-aaral sa kolehiyo, 168 mag-aaral ng high school at 75 sa elementarya. Maliban dito ay nakapag-abot din ng Tulong Edukasyon sa 144 mag-aaral ng

Angat sa pamamagitan ni Cong. Lorna Silverio.

Personal ding nag-abot ng tulong pang-edukasyon si Mayor Jowar at Giga RSB Trucking Service para sa kanilang taunang misyon ng pagbibigay ng school supplies para sa mga mag-aaral sa Grade 1. Sa kanilang “Kaagapay sa Unang Hakbang ng Karunungan” ay higit 1,200 mag-aaral ang napagkalooban ng mga gamit sa eskwela upang magbigay-inspirasyon sa kanilang pag-aaral.


Kinikilala ng Pamahalaang Bayan na mahalaga ang edukasyon ng ating mga kabataan na siyang huhubog sa kaninlang kinabuksasan at kinabukasan ng ating bayan kaya naman isa ito sa binibigyang-prayoridad ngayon ng ating lokal na pamahalaan.


Kapayapaan at Kahandaan sa Kalamidad

Mahalaga na maliwanag ang mga lansangan upang maiwasan ang krimen at aksidente. Dahil dito, naglaan ng 5 milyong piso ang pamahalaang bayan para sa maisagawa ang Phase 1 ng proyektong paglalagay ng Solar Street Lights sa Gen. Alejo Highway.


Upang itaas naman ang kakayahan na rumesponde sa mga sakuna, pinangunahan ng MDRRMO ang apat na araw na Standard First Aid Training noong Nobyembre. Nakiisa rito ang mga kinatawan ng Angat Kalusugan, Genetron International Marketing, Angat Water District, Angat Development Credit Cooperative, School DRRM Coordinator, at Rescue Teams mula sa mga barangay.


Nagkaroon din ng Basic Orientation on Rapid Damage and Need Analysis na inorganisa ng MDRRM) upang magbigay ng kaalaman at kasanayan sa pagtatasa at pag-uulat ng mga nasirang gusali, pananim, at mga kabayahan sa panahon ng kalamidad. Bilang paghahanda rin sa panahon ng tag-ulan ay nakatanggap ang ating pamahalaang bayan ng 20 bunk beds mula sa MMDA na magagamit sa ating mga evacuation center.

Bago matapos ang 2022, kabilang ang Bayan ng Angat sa sinalanta ng Super Typhoon Karding, kung saan 254 pamilya na binubuo ng 902 katao ang pansamantalang tumuloy sa evacuation center. Sa pagtutulungan ng pamahalaang bayan at iba’t ibang non-government organizations (NGOs) ay nakapagpamahagi ng relief goods para sa mga nasalanta ng bagyo.

Sinikap din ng ating Pamahalaang Bayan na maisaayos ang Municipal Traffic Management Unit upang tiyakin na maisasaayos ang trapiko sa mga pangunahing lansangan. Naging bahagi ng pormal na pagbubuo ang pagpapataas ng antas ng kakayahan ng mga trafic enforcers na maisakatuparan ang kanilang tungkulin.


Batay sa panukala ng Komite ng Transportasyon, naglunsad ng 3-araw na pagsasanay sa tulong ng mga kawani MMDA (Metro Manila Development Authority) noong Agosto. Kabilang din sa mga kalahok ang mga Chief Tanod ng labing anim na barangay sa bayan ng Angat, PNP Angat at ang samahan ng Anti-Crime and Community Emergency Response Team (ACCERT).


Hinasa ang mga lokal na tagapagpatupad ng batas trapiko sa usapin ng aktwal na paglalapat ng kaalaman sa kaligtasan ng trapiko, maayos na pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon ng batas trapiko at propesyunal na kasanayan sa pagpaplano at epektibong pagpapatakbo ng sistema ng trapiko upang makamit ang ligtas at maayos na transportasyon ng mga tao at kalakal. Sa pamamagitan nito, inaasahan na higit na mabibigyan nang maayos na direksyon ang mga pangunahing daan sa ating bayan sa gayon ay maiwasan ang mabigat at problematikong daloy ng trapiko.


Higit sa Lahat, Mamamayan Muna!

Sinimulan din ni Mayor Jowar sa unang Buwan ng kanyang pamumuno ang pagkakaroon ng People’s Day. Sa pamamagitan ng lingguhang People’s Day ay nakakausap ni Mayor Jowar ang mga Angatenyo at nalalaman ang kanilang mga pangangailangan. Nabibigyan din ng Tulong Medikal, Tulong Pang-edukasyon, Tulong Pampalibing at iba pang agarang pangangailangan ang mga mamamayan.


Samantala, maliban sa pagtitiyak na makakarating ang buwanang ayuda ng Pamahalaang Pambansa sa pamamagitan ng DSWD sa 1038 senior citizens na Angatenyo, sinikap din ng Pamahalaang Bayan na magkaloob mula sa lokal na pondo ng ayuda sa 1,000 senior citizens na hindi kabilang sa nakakatanggap ng social pension mula sa Pambansang Pamahalaan.


Bagamat hindi pa rin nito nasasaklaw ang kabuuang bilang ng mga katandaan, maaari naman silang makinabang sa iba pang programang pormal na inilunsad ng Pamahalaang Bayan gaya ng libreng bakuna laban sa flu at pneumonia at libreng laboratory sa birthmonth ng mga senior citizens.

Patuloy rin ang Pamahalaang Bayan sa paglingap sa iba pang mga sektor ng mamamayan na nangangailangan ng suporta sa kanilang kabuhayan. Dahil naapektuhan ng pandemya ang kabuhayan ng mga mamamayan, nagsagawa ng mga proyekto sa tulong na rin ng iba pang opisyal at ahensya ng pamahalaan. Kabilang dito ang Tulong Pangkabuhayan para sa ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) noong Oktubre, 2022 kung saan 288 Angatenyo ang binigyan ng trabaho ng 10 araw.


Nagsagawa rin ngpagsasanay sa ilalim ng TESDA na Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC I para sa 25 mag-aaral sa pangangasiwa ng Global Alliance Technological Institute. Ang mga proyektong ito ay mula sa kagandahang-loob ni Cong. Salvador “Ador” Pleyto.

Kasabay nito ay nagkaroon din ng Bag and Basket Weaving Training upang makapagbigay ng karagdagang kabuhayan sa mamamayan.

Nagsagawa rin ng konsultasyon sa mga kasapi ng Angat Tricycle Operators and Drivers’ Assosiation (Angat TODA) Federation upang pag-usapan ang kanilang fare matrix at matiyak ang kanilang kita habang isinasaalang-alang din ang kapakanan ng mga commuters. Isa rin sa mga kinakaharap na suliranin ng masang tsuper ay ang pagkakaroon ng lisensya sa pagmamaneho. Kaya naman sa pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office ng Rehiyon, naglunsad ang Pamahalaang Bayan ng Libreng Training para sa pagkakaroon ng Theoretical Driving Course Certificate upang maisagawa ang unang hakbang sa pagkuha ng Driver‘s License kung saan pangunahing benepisyaryo ang mga tricycle driver. Maliban sa libreng pagsasanay, sinagot din ng Pamahalaang Bayan ang gastos ng 381 kasapi ng TODA para sa Medical Certificate.

Sa pag-unlad ng bayan, kasama dapat na umaangat ang buhay ng mamamayan kaya naman binuo rin ni Mayor Jowar ang People’s Council na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang samahan ng mamamayan na umiiral sa loob ng Angat. Nais kasi ni Mayor Jowar na sa ilalim ng kanyang pamamahala ay may boses ang taumbayan, Ang People’s Council ay magsisilbing daluyan para sa konsultasyon para sa mga programa at proyektong

ipatutupad sa bayan ng Angat.


Ang Kaunlaran ay Bunga ng Mabuting Pamamahala


Hindi magtatagumpay ang pamahalaan sa anumang programa nito kung wala ang suporta ng mamamayan.


Kaya naman gaya ng nabanggit na, isinusulong ni Mayor Jowar ang participatory governance sa ilalim ng kaniyang pamumuno. Sa pagsisimula ng kaniyang termino, nagpatawag siya ng pulong sa mga organisasyon sa ating bayan sa isinagawang

"Pamahalaan at Samahang Angatenyo, Kapit-Bisig Tungo sa Ganap na Progreso” na isinagawa noong Disyembre. May 30 organisasyon ang dumalo sa pagtitipon at nagkaroon ng Ceremonial Signing upang maging magkaagapay at mabigyang-tinig ang taumbayan.


Kasabay nito ay itinatag ang Angat People’s Council na magiging katuwang ng pamahalaang bayan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa at proyekto nito.

Upang bigyan ng direksyon ang hinahangad na kaunlaran, nagsagawa rin ng tatlong araw na seminar-workshop para sa Pormulasyon ng Executive-Legislative Agenda (ELA) at Capacity Development Agenda Harmonization ng Lokal na Pamahalaan ng Angat na ginanap sa Clark Marriott Hotel, Mabalacat, Pampanga. Ang nabuong ELA ang siyang magsisilbing gabay ng Punong Bayan at mga kasapi ng Sangguniang Bayan sa para sa kanilang matapat at mahusay na panunungkulan.


Bilang bahagi ng hangarin para sa isang TRANSPARENT at ACCOUNTABLE na pamahalaan ay nagsagawa rin ng Social Media Management and Content Creation Training para sa mga piling kawani ng iba't ibang departamento ng Pamahalaang Bayan ng Angat. Layunin nito na gabayan ang mga kawani at itaas ang kanilang kasanayan sa pag-uulat sa taumbayan ng kanilang mga isinasagawa at naisagawang proyekto.


Sa pagtutulungan ng gobyerno at taumbayan, walang pagsubok na hindi kayang malagpasan.


Asenso at Reporma: Gabay ni Mayor Jowar sa Tamang Landas

Hindi madali ang paghawan ng landas tungo sa hinahangad na asenso at reporma ni Mayor Reynante “Jowar” S. Bautista katuwang si Vice Mayor Arvin L. Agustin, mga Kagawad ng Sangguniang Bayan, at mga puno at kawani ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang bayan.


Unang anim na buwan pa lamang ay napakaraming pagsubok na ang naranasan ni Mayor Jowar sa pagpapatupad ng mga pagbabago sa Bayan ng Angat. Mga pagsubok na kaniyang nalagpasan sa tulong na rin ng mga opisyal at kawani ng

pamahalaang bayan, lalo’t higit ang

suporta ng mamamayan.


Sa kabila ng mga tagumpay sa unang kalahating taon ng kaniyang pamumuno, malayo pa ang lalakbayin upang makamit ang hinahangad na kaunlaran. Dahil dito, higit na kailangan ni Mayor Jowar ang tulong ng bawat Angatenyo upang maipatupad ang bawat mabubuting hangarin niya para sa bayan.


Patuloy nating iangat ang Bayan ng Angat.

406 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Angat_Logo.png
AsensoAtReporma (1).png

Republika ng Pilipinas

Pamahalaang Bayan ng Angat

Transparency_seal-01.png
FOI-logo.png

Scan the QR Code to install the app

qr code.JPG
bottom of page