Ang Boys and Girls Week 2024 ay opisyal nang sinimulan ngayong taon sa temang “Imagine More.” Layunin ng programa na bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral mula sa pribado at pampublikong paaralan na maitalaga sa iba't ibang tanggapan ng ating pamahalaang bayan. Ito ay upang maranasan at maunawaan nila ang gampanin bilang isang lingkod bayan.
Ang programa ay pinangasiwaan ng Angat Local Youth Development Office sa pamumuno ni John Patrick Solis, kasama ang Angat SK Federation sa pangunguna ni Mary Grace Evangelista, at katuwang din ang mga samahan tulad ng Jowable Youth, Partners for Change, Rotaract Club of Angat, Parish Commission on Youth at 4-H Angat Chapter.
Dumalo sa nasabing programa sina Punong Bayan Reynante S. Bautista, Pangalawang Punong Bayan Arvin Agustin, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at si Lovely Rizza Basilio-Cas bilang keynote speaker.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Mayor Jowar ang kanyang bilin: “Para sa aking mga kapwa opisyal, makikiusap lang ako na huwag na natin silang turuang mamulitika. Ituro natin sa kanila ang tamang paggampan ng mga responsibilidad natin sa pamahalaan. Ipakita natin sa kanila na ang isang mabuting lingkod bayan ay naluklok sa poder hindi dahil naudyukan lamang ng kung sino, o dahil lamang sa personal na interes. Ituro natin na ang isang mabuti at mahusay na lingkod bayan ay may bisyon at misyon para paunlarin ang kanyang bayan at iangat ang antas ng kanyang mamamayan.”
Dagdag pa ni Mayor Jowar, “Ang PAGLILINGKOD SA BAYAN ay isang SAKRIPISYO. Kaya naman ang hamon ko sa inyo, ihanda n’yo ang inyong mga sarili upang mag-SAKRIPISYO at maging ganap na tagapaglingkod ng ating bayan. Ang binhing ito ay diligan n’yo at payabungin hanggang sa dumating ang panahon na hinog na at nakagayak na kayong seryosong gampanan ang totohanang papel ng paglilingkod sa ating bayan!”
Pinaalalahanan din niya ang mga kabataan na huwag hayaang manatili lamang sa kanilang mga imahinasyon ang kagustuhang paglingkuran ang ating bayan at mamamayan. Anuman ang landas na kanilang tatahakin sa hinaharap, huwag nilang kalilimutang magmalasakit at mag-ambag para sa ikabubuti ng bayan.
Comments