New Municipal Building at Assembly Park ng Angat, Pormal nang Binuksan
- Angat, Bulacan

- 2 days ago
- 1 min read

Isang makasaysayang milestone ang naitala sa bayan ng Angat matapos pormal na isagawa ang pagbabasbas at inagurasyon ng New Municipal Building & Assembly Park. Ang bagong pasilidad ay itinuturing na sagisag ng tapat na paglilingkod at katuparan ng isang pangarap na bunga ng pagkakaisa ng pamahalaan at ng mga mamamayan.

Ang seremonya ay pinangunahan ni Punong Bayan Reynante "Jowar" S. Bautista, kasama si Pangalawang Punong Bayan Arvin Agustin at mga miyembro ng Sangguniang Bayan. Tampok sa programa ang tradisyunal na ribbon cutting at ang unveiling of the marker na naging hudyat ng panibagong antas ng serbisyo-publiko sa bayan. Ang pagbabasbas ng gusali ay pinangunahan nina Rev. Fr. Lex Cabais, Rev. Fr. Joshua Panganiban, at Rev. Fr. Nap Baltazar.

Dinaluhan ang okasyon ng mga prestihiyosong panauhin kabilang sina Cong. Salvador Pleyto, Vice Gov. Alex Castro, at mga kinatawan mula sa pambansa at lokal na pamahalaan gaya nina DILG Regional Director Araceli San Jose at Provincial Director Myrvi Apostol Fabia. Nakiisa rin ang mga Punong Bayan mula sa karatig-lugar, mga opisyal ng barangay, at mga Civil Society Organizations (CSOs).
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Jowar na ang gusaling ito ay higit pa sa bato at semento; ito ay pamana ng sama-samang pangarap ng mga Angateño. Layunin ng bagong pasilidad na gawing mas episyente, bukas, at malapit sa tao ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan tungo sa isang mas maunlad na kinabukasan.









Comments