National ID, Gagamitin na sa Payout ng Social Pension Simula Abril 1
- Angat, Bulacan

- Mar 7
- 1 min read

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng mas mabilis at ligtas na transaksyon, ipinapaalam ng Pamahalaang Bayan ng Angat na simula Abril 1, 2026, ang Philippine Identification System (PhilSys) o National ID na ang magsisilbing primary ID para sa pagtanggap ng payout ng Social Pension for Indigent Senior Citizens.
Alinsunod sa bagong direktiba, mahalagang maipakita ang National ID upang makuha ang buwanang tulong-pinansyal mula sa gobyerno.
Upang matulungan ang mga benepisyaryong wala pang National ID, nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang magkaroon ng espesyal na schedule para sa registrasyon:
Saan: Old Municipal Building, Angat
Kailan: Tuwing huling Huwebes ng bawat buwan
Layunin nito na mapadali ang proseso para sa mga nakatatanda nang hindi na kailangang magtungo sa malalayong sangay ng PSA.
Nagpakita rin ng malasakit ang pamahalaan para sa mga benepisyaryong hindi na makakaalis ng kanilang tahanan o mga bedridden. Magsasagawa ang PSA ng Home Visit Registration upang matiyak na lahat ng kwalipikadong senior citizen, anuman ang kanilang kalagayang pisikal, ay makakapagrehistro sa PhilSys at patuloy na makakatanggap ng kanilang pensyon.
Hinihikayat ang mga pamilya ng mga indigent senior citizens na asikasuhin ang registrasyon ng kanilang mga magulang o lolo at lola bago ang itinakdang deadline sa Abril. Ang National ID ay hindi lamang para sa pensyon, kundi magagamit din sa iba pang serbisyo ng gobyerno at mga pribadong institusyon.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) o sa MSWD Office ng inyong bayan.









Comments