Misa ng Pagpapasalamat, Isinagawa para sa Tagumpay ng GulayAngat Festival 2026

Isang Banal na Misa ng Pagpapasalamat ang idinaos ng Pamahalaang Bayan ng Angat bilang pagkilala at pagpapasalamat sa naging matagumpay at payapang pagsasakatuparan ng GulayAngat Festival 2026.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Peter Collin Crisostomo ang banal na pagdiriwang, na dinaluhan ni Punong Bayan Igg. Reynante "Jowar" S. Bautista, Konsehal John Patrick DC. Solis, at mga kawani mula sa iba't ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ni Rev. Fr. Crisostomo ang ipinamalas na sigla at pagkakaisa ng mga Angatenyo sa mga gawaing pangkomunidad. Paalala niya sa mga dumalo, mahalagang panatilihing nag-aalab ang espiritu ng pagtutulungan at panatilihing nakaugat ang pamamahala sa pananampalataya.

"Makikita po natin na buhay na buhay ang mga Angateño kapag may mga ganitong aktibidades at ito po 'yung tinutukoy na apoy sa atin ng ebanghelyo na ating napakinggan, kung paano natin papanatilihing nag-aalab ang apoy. Sana po ang apoy na nasimulan ay magpatuloy magpahanggang sa mga susunod na panahon. Tandaan na sa tamang pamamahala nakasalalay ang pangangalaga sa apoy na iyan," pahayag ni Rev. Fr. Crisostomo.
Nagsilbing pagkakataon ang banal na misa upang magpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang lokal na pamahalaan at ang buong komunidad sa mga biyayang natanggap, sa maayos na pagkakaraos ng mga patimpalak at aktibidad, at sa walang-sawang suporta ng bawat Angatenyo sa ginanap na pagdiriwang.











Comments