MENRO Angat, Nagpaalala ng Kahalagahan ng mga Hayop sa Kalikasan

Naglabas ng mga kapaki-pakinabang na kaalaman ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Angat kaugnay ng pambansang paggunita sa World Animal Day.
Sa pamamagitan ng kanilang informational campaign, inihayag ng MENRO ang ilang natatanging katangian ng mga hayop sa mundo. Kabilang dito ang galing ng elepante na makakilala ng sarili sa salamin bilang patunay ng mataas na antas ng katalinuhan, at ang giraffe na kinikilalang pinakamataas na hayop sa mundo na may leeg na umaabot sa higit 1.8 metro ang haba.
Binigyang-diin din ng tanggapan ang kahalagahan ng kalabaw (carabao) bilang pambansang hayop ng Pilipinas na simbolo ng kasipagan, tiyaga, at lakas ng mga Pilipino, pati na rin ang katangian ng leon (lion) bilang tanging malaking pusa na naninirahan at nangangaso nang sama-sama sa isang grupo na tinatawag na "pride."
Ayon sa MENRO Angat, layunin ng gawaing ito na ipaalala sa publiko na ang bawat nilalang ay may mahalagang papel sa balanse ng kalikasan, kung kaya't nararapat lamang na ang mga ito ay patuloy na alagaan, igalang, at protektahan ng buong komunidad.










Comments