MDRRMO Angat at mga Sektor, Nagpulong para sa Ligtas na Fun Run sa Kapistahan ng Brgy. Sta. Cruz
- Angat, Bulacan

- Jun 5
- 2 min read

Upang masiguro ang isang payapa, maayos, at ligtas na takbuhan, nagdaos ng isang Preparatory Meeting ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kasama ang iba't ibang ahensya ng seguridad para sa gaganaping Fun Run kaugnay ng kapistahan ng Barangay Sta. Cruz.
Ang pagpupulong ay pinangunahan ni G. Carlos R. Rivera Jr., Designated Municipal Administrator, Designated General Service Officer, at MGDH I (MDRRMO). Nakiisa rito ang mga kinatawan mula sa Angat Rescue Team (ART), Angat Police Station, Angat Traffic Management Office (ATMO), at ang mismong mga organizers ng patakbo.
Sa naging talakayan, pormal nang inilatag ang magiging ruta ng aktibidad na magsisimula sa Sta. Cruz Covered Court. Liliko ang mga kalahok patungo sa Provincial Road (Texas) at nakatakdang magkaroon ng U-turn sa bahagi ng Tubao, Sulucan bago bumalik sa pinagsimulan.
Dahil isasagawa ang aktibidad sa araw ng Linggo—kung kailan inaasahan ang dagsa ng tao at sasakyan dahil sa araw ng pananampalataya (pagsisimba) at pamamalengke—maagang naglatag ng estratehiya ang Angat Traffic Management Office (ATMO). Sila ay buong-araw na nakaantabay upang magmando at panatilihing maayos ang daloy ng trapiko sa mga apektadong kalsada.
Nakahanda naman ang Angat Rescue Team (ART) na magpatupad ng full deployment ng kanilang mga tauhan at kagamitan. Magtatalaga ng mga standby medic sa mga estratehikong lugar sa kahabaan ng ruta upang mabilis na makatugon sa anumang medikal na emergency na maaaring maranasan ng mga tatakbong kalahok.
Sa aspeto naman ng kapayapaan, tiniyak ng Angat PNP, sa pamamagitan nina G. Santos at G. Curampez, ang mahigpit na pagbabantay. Magkakaroon ng malawak na police visibility sa mga staging areas at magsasagawa ng regular na pagpapatrulya sa buong ruta upang maiwasan ang anumang untoward incident.
Sa pamamagitan ng maagang koordinasyon na ito ng pamahalaang bayan at ng mga lokal na puwersa, layunin ng MDRRMO na maging masaya at ligtas ang pagdiriwang ng kapistahan ng Barangay Sta. Cruz, habang itinataguyod ang kalusugan at pagkakaisa ng mga Angateño.









Comments