Mayor Jowar Bautista, Kinilala sa Top Municipal Mayors Survey ng RPMD
- Angat, Bulacan
- 4 days ago
- 1 min read

Kabilang si Punong Bayan Hon. Reynante "Jowar" S. Bautista sa mga pumasok sa listahan ng Top Municipal Mayors sa lalawigan ng Bulacan batay sa pinakabagong "Boses ng Bayan" survey na isinagawa ng RPMD Foundation Inc.
Sa isang opisyal na pahayag, inihayag ng alkalde ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa RPMD Foundation sa inilaan nitong oras at dedikasyon upang magsagawa ng naturang pag-aaral at pagkilala.
Inamin ni Mayor Jowar na hindi niya inaasahang mapasasama sa mga nangungunang alkalde sa lalawigan, dahil ang pangunahing layunin naman ng kanyang administrasyon ay ang maglingkod at hindi ang maghabol ng mga parangal.
"Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na mapabilang sa mga kinilala. Hindi rin naman ang mga parangal o papuri ang layunin ng aming paglilingkod. Higit na mahalaga sa amin ang tiwala ng mamamayan at ang pagkakataong makapaghatid ng mga programang tunay na may pakinabang sa bawat pamilyang Angateño," ayon sa alkalde.
Binigyang-diin ng pinuno ng bayan na ang nakuhang pagkilala ay hindi lamang para sa kanyang sarili, kundi tagumpay ng buong Pamahalaang Bayan ng Angat, ng mga katuwang sa iba't ibang sektor, at ng bawat mamamayang patuloy na sumusuporta sa mga programa ng munisipyo.
Inihayag din niya na ang naturang parangal ay magsisilbing hamon at paalala upang mas lalo pang pagbutihin at pag-ibayuhin ang tapat, mahusay, at may malasakit na pamamahala sa ilalim ng adbokasiyang Asenso at Reporma.





