Local School Board ng Angat, Nagpulong para sa SEF, Brigada Eskwela, at Bagong DepEd Calendar
- Angat, Bulacan

- Jul 2
- 1 min read

Isang mahalagang pagpupulong ang matagumpay na isinagawa ng Local School Board (LSB) sa Municipal Conference Hall upang masiguro ang kahandaan, kaligtasan, at patuloy na pag-unlad ng sektor ng edukasyon sa buong bayan.
Ang pulong ay pinangunahan ni Tagamasid Pampurok Dr. Guillermo Flores, katuwang ang Punong Bayan Igg. Reynante S. Bautista. Nakiisa rin sa talakayan sina Konsehal Wowie Santiago, Konsehal JP Solis, at ang iba pang mga miyembro ng lupon.
Naging pangunahing adyenda sa pulong ang ulat ukol sa paggamit ng Local School Board (LSB) Fund o Special Education Fund (SEF) para sa ikalawang quarter ng taon. Kasabay nito, sinuri rin ang kasalukuyang status ng mga repair at maintenance ng mga pampublikong paaralan upang matiyak na maayos ang mga pasilidad na gagamitin ng mga mag-aaral.

Bilang pagtugon sa pangangailangan ng mga eskwelahan, tinalakay rin ang paglalaan ng karagdagang Security Personnel, Utility Worker, at Clerk para sa 14 na pampublikong paaralan sa Angat upang mapanatili ang seguridad at kalinisan ng mga campus.
Pinasimulan na rin ng LSB ang mga estratehikong paghahanda para sa nalalapit na Brigada Eskwela. Kaugnay nito, masusing hinimay ang pagpapatupad ng DepEd Order No. 14, s. 2026 o ang bagong Three-Term School Calendar.
Kabilang sa naging kasunduan ang pag-aayon ng Learning Continuity Plan ng bawat paaralan upang matiyak na magiging tuloy-tuloy, ligtas, at epektibo ang pagkatuto ng mga estudyante, maging sa panahon ng mga kalamidad o iba pang hindi inaasahang emergency.
Sa pamamagitan ng matatag na pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Angat at ng Department of Education (DepEd), nananatiling pangunahing mithiin ng pamunuan na maisulong ang isang dekalidad, ligtas, at inklusibong edukasyon para sa bawat kabataang Angateño.









Comments