Local School Board ng Angat, Nagpulong para sa mga Proyekto at Programa sa Edukasyon

Isinagawa sa Municipal Conference Hall ang buwanang pagpupulong ng Local School Board (LSB) ng Angat upang talakayin ang mga mahahalagang usapin, programa, at prayoridad na proyekto para sa kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng mga paaralan sa bayan.
Pinangunahan ang naturang pagpupulong ni Tagamasid Pampurok Dr. Guillermo Flores, kasama sina Punong Bayan Igg. Reynante S. Bautista, Konsehal Luis “Wowie” J. Santiago, at iba pang opisyal at miyembro ng LSB.
Kabilang sa mga pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang 2nd Quarter LSB Utilization o ang wastong paggamit ng pondo ng LSB, gayundin ang mga ulat ukol sa repair and maintenance projects sa Florentino F. II Elementary School (FFIES), Binagbag National High School (BNHS), at ang Covered Path sa Dr. Antonio C. Reyes Elementary School. Tinalakay rin ang progreso sa konstruksyon ng mga bagong silid-aralan sa FFIES at Osvaldo M. Esteban Elementary School (OMEES).

Binalangkas din ng lupon ang mga ginanap at hinaharap na aktibidad, kabilang ang ALS Bag/Bayong Making, oryentasyon para sa mga magulang ng mga mag-aaral sa Special Needs Education (SNED), sports selection, Gender and Development (GAD) in-service training, suporta sa Schools Press Conference, paghahanda ng mga pasilidad ng paaralan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), at ang nalalapit na pagdiriwang ng World Teachers’ Day.
Binigyang-diin ng Pamahalaang Bayan ng Angat na patuloy na isinusulong ng Local School Board ang mahigpit na koordinasyon at pagtutulungan ng bawat sektor upang matiyak ang maayos, ligtas, at de-kalidad na edukasyon para sa lahat ng mga kabataang Angateño.











Comments