Libreng Serbisyo Publiko, Inilapit sa mga Mamamayan ng Brgy. Taboc
- Angat, Bulacan
- 3 days ago
- 1 min read

Isang malawak na hanay ng serbisyong pangkalusugan, pangkabuhayan, at pampamayanan ang matagumpay na inilapit sa mga mamamayan ng Barangay Taboc sa pamamagitan ng Municipal Joint Services in Barangay (MJSB)Â ng Pamahalaang Bayan ng Angat.
Sa tulong ng programang Damayan sa Barangay ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang Angat Eye Clinic, ang Sangguniang Barangay ng Taboc sa pangunguna ni Kap. Edsel Lopez, mga volunteers ng Angat Kalusugan, at iba't ibang tanggapan ng munisipyo, humigit-kumulang 264 na benepisyaryo ang nakatanggap ng iba't ibang uri ng kalinga.
Bilang bahagi ng pagpapahalaga sa mga residenteng may kapansanan o karamdaman, personal na dinalaw sa kanilang mga tahanan ang 23 kabarangay upang ihatid ang mga kinakailangang assistive devices tulad ng mga wheelchair at tungkod na magagamit nila sa kanilang pang-araw-araw na pagkilos.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang pamahalaang lokal sa volunteer doctor na si Dr. Maedelyn L. Balabbo at sa lahat ng mga indibidwal na nag-alay ng kanilang oras at kakayahan para sa libreng konsultasyon.
Hindi rin naiwan ang sektor ng kabataan, kung saan nagsagawa ang grupong Jowable Youth ng isang Personal Hygiene Seminar para sa mga mag-aaral ng Atilano S. De Guzman Memorial School. Layunin ng aktibidad na ito na itanim sa kaisipan ng mga bata ang wastong pangangalaga sa katawan upang makaiwas sa mga sakit at mapanatili ang mabuting kalusugan.
Ang tagumpay ng MJSB sa Barangay Taboc ay patunay na sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan ng iba't ibang ahensya at organisasyon, mas napapadali at napapalapit ang dekalidad at may-malasakit na serbisyo publiko para sa bawat pamilyang Angateño.





