LGU at MDRRMO Angat, Binalangkas ang Public Service Continuity Plan
- Angat, Bulacan

- 3 days ago
- 2 min read

Upang masiguro na hindi mapuputol ang serbisyo publiko sa gitna ng anumang krisis o kalamidad, naglunsad ang Pamahalaang Bayan ng Angat ng isang masinsinang Public Service Continuity Planning (PSCP) Training at Workshop na ginanap mula noong Hunyo 16 hanggang 19, 2026.
Ang apat na araw na pagsasanay ay matagumpay na naisakatuparan sa pamamagitan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), sa ilalim ng pamumuno ni MGDH I Carlos Rivera.
Naging pangunahing layunin ng pagsasanay na ito na ihanda at palakasin ang kapasidad ng mga kawani ng munisipyo. Sa pamamagitan ng PSCP, tinitiyak ng lokal na pamahalaan na mananatiling bukas at gumagana ang mga kritikal na tanggapan upang magbigay ng tulong at serbisyo sa mga mamamayan sa kabila ng mga bagyo, lindol, pandemya, o iba pang hindi inaasahang emerhensya na maaaring dumarating sa bayan.

Naging mas makabuluhan ang workshop sa tulong ng mga iginagalang na resource speakers na nagbahagi ng kanilang kaalaman at mga praktikal na estratehiya sa pagbuo ng epektibong continuity plans:
Ma'am Ruth Bengco – Mula sa Office of Civil Defense (OCD) Region III, na nagbahagi ng mga pambansang pamantayan sa kahandaan.
Sir Gabriel Llave – Mula sa MDRRMO San Luis, na nagbigay ng mga aktuwal at subok nang pamamaraan sa lokal na pagpapatupad ng plano.
Sa pamamagitan ng mga aktibidad at simulation exercises, natuto ang mga kinatawan ng bawat tanggapan kung paano reresponde nang mabilis, kung paano ililipat ang mga operasyon kung kinakailangan, at kung paano iingatan ang mga mahahalagang dokumento ng bayan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng malawakang adyenda ng administrasyon na itatak ang kultura ng kahandaan, maayos na koordinasyon, at katatagan sa buong burukrasya ng Angat.
Sa pamamagitan ng natapos na PSCP Training, mas kumpiyansa ngayon ang Pamahalaang Bayan ng Angat na anuman ang haraping pagsubok o sakuna, ang Serbisyong Angateño ay mananatiling laging handa, laging maaasahan, at hindi hihinto para sa mamamayan.









Comments