ANGAT. Angat. Nasa itaas… tinitingala subalit punong puno ng pagpapakumbaba. Ito ang katangian ng sinisintang bayan ng Angat na masasalamin sa disenyo ng karosang ito. Payak ang angking kagandahan subalit tumitingkad dahil likas ang kayamanang taglay.
Itinatanghal ng karosa ng Angat ang pagkamalikhain, pulido at masusing paggawa ng mga Angatenyo. Ang disenyo at kabuuan ng karosa ay masining na nilikha upang ipakita ang pangunahing kabuhayan at produkto ng bayang ito—ang pagsasaka at ang gulay angat.
Matatagpuan ang bayan ng Angat sa paanan ng mayamang bulubundukin ng Sierra Madre kaya naman itinatampok rin ng karosang ito ang masaganang lupain at ang pangunahing daluyan ng biyaya—ang Ilog Angat. Luntiang palayan at bukirin ang nakapalamuti sa karosa na matiyagang nililinang at pinagyayaman ng mga magsasaka ng bayang ito. Sila ang tagapaglikha ng kayamanang nagbibigay sustansiya sa ating lipunan. Kasing payak ng disenyo ng karosang ito ang pamumuhay ng magsasakang Angatenyo, subalit karapat-dapat bigyang halaga dahil sa makabuluhang ambag sa ating lipunan at kasaysayan.
Photo Credit: Juan News
Comments