Kabuhayan at Karapatan ng Solong Magulang, Pinatibay sa Pagpupulong ng BFSP at LGU Angat
- Angat, Bulacan
- 2 days ago
- 1 min read

Upang mas patatagin ang mga programa at karapatan ng mga solong magulang sa buong lalawigan, matagumpay na isinagawa sa Bayan ng Angat ang Buwanang Pulong ng Bulacan Federation of Solo Parents (BFSP).
Ang mahalagang pagtitipon ay pinangunahan ni Solo Parents President Jonalyn Batugon, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO)Â ng Angat at dinaluhan ng mga kinatawan ng BFSP mula sa iba't ibang bayan at lungsod sa Bulacan.
Sa naging talakayan, pinag-ukulan ng pansin ang mga konkretong hakbang upang mas mapabuti ang pamumuhay at maitaguyod ang kapakanan ng mga solo parents at ng kanilang mga anak.
Kabilang sa mga pangunahing paksang tinalakay sa pagpupulong ay ang mga sumusunod:
Rehistrasyon sa Rehiyon: Pagpaparehistro ng mga lokal na samahan ng solo parents sa ilalim ng Central Luzon Solo Parents Federation Inc. upang mas mapalawak ang access sa mga benepisyo at pambansang programa.
Proyektong Pangkabuhayan: Pagpaplano ng mga livelihood programs at pagsasanay upang magkaroon ng karagdagang pinagkakakitaan ang mga solong magulang.
Best Practices Sharing:Â Pagbabahagi ng mga pinakamahusay na programa, proyekto, at inisyatiba ng bawat bayan na pwedeng tularan ng iba pang komunidad.
Saligang Batas at Alituntunin:Â Orientasyon at pagtalakay sa Saligang Batas (Constitution and By-Laws) ng samahan para sa gabay ng mga bagong halal na opisyal.

Sa pamamagitan ng MSWDO, muling pinagtibay ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang buong suporta nito sa pagtataguyod ng mga probisyon ng batas para sa mga solong magulang.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang pakikipagtulungan sa mga kapisanang tulad ng BFSP ay mahalagang hakbang upang masiguro na walang pamilyang naiiwan at ang bawat solo parent sa komunidad ay may sapat na kaagapay, proteksyon, at pagkakataong umunlad.





