top of page
bg tab.png

Unang Taon ng Pagbangon: Unang SOMA ni Mayor Jowar

Updated: Oct 18, 2023



“Sa pangalawang pagkakataon, muli ko na namang itinatalumpati ang aking mga plano. May mga hindi po kumbinsido na kaya nating gawin ang iba pang mga plano natin para sa bayan. Pero muli’t muli, buo po ang aking pananalig at tiwala na habang nariyan kayong mga sumusuporta at tumutulong sa pag-abot ng mga pangarap na ito, KAKAYANIN NATIN ITO!”


Determinado at mariin ang pahayag ni Mayor Reynante Bautista sa kanyang State of the Municipality Address (SOMA) nitong Agosto 11, 2023 ng hapon na ginanap sa FF Cruz Clubhouse sa Barangay Sta. Cruz.


Makasaysayan ang ginanap na kauna-unahang SOMA ni Mayor Jowar sapagkat kongkretong ipinakita nito ang potensyal ng kabataan na maging kabahagi sa mga programa ng Pamahalaang Bayan. Mahigpit na katuwang sa pag-oorganisa ng programa ang Local Youth Development Council na siyang pangunahing nagpanukala na ganapin ang SOMA sa huling araw ng integrasyon ng mga kabataang kalahok sa Boy/Girl Officials 2023.


Iniulat ng Lehislatibong Sangay ng Pamahalaang Bayan ang kanilang mga nagawa sa loob ng isang taong panunungkulan na pinangunahan ni Vice Mayor Arvin Agustin.


Samantala, ang ulat ng Punong Tagapagpaganap ay inilatag sa pamamagitan ng audio-visual presentation na pinamagatang “ISANG TAONG PAGBANGON” Sinundan ito ng pananalita ni Mayor Jowar kung saan kanyang inilatag ang mga prayoridad na matugunan sa nalalabing taon ng kanyang termino. May titulong BAGONG HAMON SA BAGONG ANGAT, kabilang sa kanyang inilatag na panibagong programang pangkaunlaran ang sumusunod:


1. Patuloy na pagsasaayos ng organizational structure ng Pamahalaang Bayan sa pamamagitan ng pagbubuo ng karagdagang kinakailangang departamento at pagtatalaga ng mga angkop na kawani na gaganap sa tungkulin. Kasabay din nito ang pagsisikap na matapos ang pagpapagawa ng bagong munisipyo;

2. Pagpapaigting ng implementasyon ng solid waste management sa bawat barangay kasabay ng pagsisikap na maipatayo ang Material Recovery Facility ng bayan;

3. Patuloy na pagpapatupad ng komprehensibong programang pangkalusugan at pagtitiyak ng access ng mamamayan sa angkop na serbisyong Pangkalusugan;

4. Patuloy na regulasyon sa mga extractive environmental activities gayundin sa iba pang industriya o negosyong nakapipinsala sa kapaligiran;

5. Pagtutok sa pagsasaayos ng trapiko at mga pangunahing daan lansangan sa Angat;


6. Pagpapaunlad pa ng programang makakatulong sa ating mga kabataan maliban sa taunang educational assistance program;

7. Patuloy na pagpapagawa at pagsasaayos ng mga angkop na pagawaing-bayan (infrastructure) na pakikinabangan ng mamamayan;

8. Pagpapagana ng People’s Council na magiging daluyan ng suportang pangkabuhayan at pangkagalingan para sa mga marginalized sectors


Puno ng kumpiyansa ang ating Punong Bayan na magagawa ang lahat ng ito dahil nakikita niya ang mainit na suporta ng mga kalakhan ng mga mamamayan, ng pribadong sektor at maging ng mga nakatataas na yunit at ahensya ng pamahalaan. Ito ay dahil na rin sa ipinamalas na transparency at accountability sa pamumuno.


Kabilang sa mga nagbigay-pugay sa ginanap na SOMA sina 6th District Cong. Ador Pleyto, BM Art Legaspi, BM Jay De Guzman at District Supervisor Angelita Baltazar. Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng Sangguniang Barangay, iba’t ibang organisasyon/samahan sa Angat, mga punong-guro ng iba’t ibang paaralan, mga kawani at empleyado ng Pamahalaang Bayan.


10 views0 comments

Comments


Angat_Logo.png
AsensoAtReporma (1).png

Republika ng Pilipinas

Pamahalaang Bayan ng Angat

Transparency_seal-01.png
FOI-logo.png

Scan the QR Code to install the app

qr code.JPG
bottom of page