Handa Na Ba Kayo, Mga Taga-Angat? Municipal Joint Serbisyo sa Barangay, Ilulunsad na sa Agosto 28
- Angat, Bulacan
- Aug 22
- 2 min read

Sa darating na Agosto 28, sabay-sabay tayong makiisa sa Municipal Joint Serbisyo sa Barangay (MJSB), isang inisyatiba ng Pamahalaang Bayan ng Angat sa pangunguna ng butihing Ama ng Bayan, Mayor Reynante “Jowar” S. Bautista.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay makikibahagi ang Tanggapan ng MENRO Angat sa pamumuno ni Engr. Eva Julian De Guzman. Ang programang dating kilala bilang “Munisipyo sa Barangay” ay mas pinaunlad at pinalawak upang higit na madama ng bawat mamamayan ang serbisyo ng pamahalaan.
Isa sa mga tampok na aktibidad ng MENRO Angat ay ang “Basura Palit Gamit Eskuwela” — isang makabuluhang hakbang na nagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan habang nagbibigay ng suporta sa edukasyon. Hinihikayat ang lahat na magdala ng mga tuyong plastic, bote, papel, lata, o anumang recyclable materials sa Angat Municipal Gym sa Agosto 28, 2025 upang ipagpalit sa mga gamit pang-eskwela gaya ng lapis, papel, at notebook.
Hindi lamang mga gamit pang-eskwela ang ipamimigay — may pagkakataon ding makapagpalit ng tuyong plastic sachet para sa bigas, ayon sa pamantayang ipapaskil sa lugar ng aktibidad. Ito ay isang konkretong paraan upang mabigyan ng halaga ang mga basurang madalas na itinatapon at gawing kapaki-pakinabang para sa bawat pamilya.
Layunin ng programang ito na maisulong ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Sa pamamagitan ng simpleng pagsasagawa ng segregation sa bahay at tamang pamamahala ng basura, naipapasa natin ang tamang asal sa ating mga anak at naipapakita ang malasakit sa kalikasan at sa bayan.
Ang Agosto 28 ay hindi lamang basta araw ng serbisyo kundi simula ng mas malinis na Angat, mas maayos na tahanan, at mas maliwanag na kinabukasan.
Tara na! Sama-sama nating iangat ang Angat!
Comments