'Go Asenso Negosyo Caravan' para sa mga Lokal na Negosyante, Ilulunsad sa Bayan ng Angat sa Nobyembre 11

Bilang pagpapalakas sa mga Micro and Small Enterprises (MSEs) sa bayan, magsasagawa ang Pamahalaang Bayan ng Angat, sa pamamagitan ng Business Permits and Licensing Office (BPLO), ng Go Asenso Negosyo Caravan sa Nobyembre 11, 2026 sa Municipal Gymnasium.
Isasagawa ang naturang programa sa pakikipagtulungan sa Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) at iba pang nasyonal na ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Science and Technology (DOST).
Layunin ng caravan na makapaghatid ng mga kinakailangang kaalaman, suporta, at serbisyo para sa mga Angatenyong may kasalukuyang maliliit na negosyo o namumuhunan. Bukas din ang pagtitipon para sa mga mamamayang nagbabalak pa lamang na magsimula ng kanilang sariling kabuhayan.
Kaugnay nito, ipinapaalala ng BPLO Angat na mahigpit na ipatutupad ang “No Walk-In Policy” dahil limitado lamang ang bilang ng mga maaaring makadalo. Hinihikayat ang lahat ng interesadong lumahok na makipag-ugnayan muna sa pamamagitan ng pagtawag o pagpapadala ng mensahe sa opisyal na Facebook Page ng BPLO Angat upang makapagpatala.
Patuloy namang nag-aanyaya ang lokal na pamahalaan sa mga mamamayan na antabayanan ang iba pang mga programang pangkabuhayan na nakatakdang ilatag para sa kaunlaran ng bawat Angatenyo.










Comments