"Gaano Ka Kahanda sa Bagyo?": Inisyatibo sa Kamalayan at Paghahanda sa Kalamidad, Inilunsad sa Angat
- Angat, Bulacan

- Jul 24
- 1 min read
Upang higit na mapataas ang antas ng kahandaan at kaalaman ng mamamayan sa harap ng mga banta ng masamang panahon, naglabas ng pampublikong patalastas at Audio-Visual Presentation (AVP) ang lokal na pamahalaan ng Angat ukol sa mga dapat gawin bago, habang, at matapos ang bagyo.
Ang naturang inisyatibo ay naglalayong maghatid ng mahahalagang impormasyon upang masiguro na ang bawat pamilyang Angatenyo ay mananatiling Handa, Ligtas, at Panatag sa panahon ng sakuna.
Sa pamamagitan ng inilabas na AVP, binigyang-diin ang mga pangunahing hakbangin at paalala para sa pamayanan:
Pagsusuri sa Kahandaan ng Tahanan: Alamin ang mga dapat ipumpuni sa bahay, mag-imbak ng sapat na pagkain at malinis na tubig, at ihanda ang Emergency Go-Bag na naglalaman ng gamot, flashlight, baterya, at mahahalagang dokumento.
Pakikinig sa Opisyal na Balita: Manatiling nakatutok sa mga opisyal na ulat ng panahon at sa mga anunsyo mula sa MDRRMO at Pamahalaang Lokal ng Angat.
Maagang Paglikas kung Kinakailangan: Alamin ang pinakamalapit na Evacuation Center sa inyong barangay at huwag mag-atubiling lumikas nang maaga kung nakatira sa mga lugar na madalas bahain o may banta ng pagguho ng lupa.
Hinihimok ng Pamahalaang Lokal ng Angat ang lahat ng mamamayan na panoorin, pag-aralan, at ibahagi ang naturang instructional video sa kanilang mga kapamilya at kapitbahay.
Ang maagap na kaalaman at paghahanda ng bawat isa ang pinakamabisang sandata upang maiwasan ang sakuna at maprotektahan ang buhay ng bawat pamilya sa bayan ng Angat.








Comments