Earthquake Drill Orientation, Isinagawa ng MDRRMO Angat sa Parokya ni Sta. Monica
- Angat, Bulacan
- 6 days ago
- 2 min read

Isang matagumpay na Earthquake Drill Orientation ang isinagawa ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Angat para sa mga mananampalataya at pamunuan ng Parokya ni Sta. Monica ngayong araw.
Ang gawaing ito ay tugon sa liham-kahilingan na ipinadala ng Rotary Club of Angat sa tanggapan ni Punong Bayan at MDRRM Council Chairperson Igg. Reynante "Jowar" S. Bautista. Agad namang ipinag-utos ng alkalde ang mabilis na pag-aksyon dito, bilang bahagi ng pangunahing adhikain ng kanyang administrasyon na protektahan at ihanda ang bawat Angateño laban sa anumang sakuna.

Pinangunahan ni G. Carlos R. Rivera Jr., Designated Municipal Administrator / MDRRM Officer, kasama ang mga kawani ng departamento, ang malawakang pagtalakay ukol sa mga tamang hakbang na dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng isang lindol. Binigyang-diin sa oryentasyon ang kahalagahan ng pagiging kalmado at ang pagsasagawa ng Duck, Cover, and Hold lalo na sa loob ng isang mataong lugar tulad ng simbahan.
Upang mas mapalawak ang kaalaman ng publiko, namahagi ang MDRRMO ng mga booklet na naglalaman ng mga gabay sa iba't ibang uri ng kalamidad at kung paano tutugon sa mga ito. Nagkaroon din ng interaktibong talakayan kung saan ang mga nakasagot sa mga katanungan ay nakatanggap ng mga first aid kit.
Lubos ang pasasalamat ng MDRRMO at ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Angat sa pamunuan ng simbahan sa pangunguna nina Kura Paroko Rdo. Mons. Manuel Villaroman, Bikaryo Paroko Rdo. P. Peter Collin Crisostomo, at sa buong bumubuo ng Parokya ni Sta. Monica sa pagbubukas ng pinto upang maihatid ang mahalagang kaalamang ito sa mga mamamayan.
Naniniwala ang pamunuan na ang pagkasalba ng buhay ay laging nakasalalay sa antas ng kahandaan ng bawat isa. Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba, patuloy na pinatutunayan ng Angat na ito ay isang bayang Handa, Ligtas, at Panatag.





