Donacion at Niugan, Sunod na Binisita para sa 2026 Disaster Mitigation Projects
- Angat, Bulacan

- Feb 13
- 1 min read

Patuloy ang isinasagawang field validation ng Angat Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang matiyak na handa ang mga komunidad sa banta ng sakuna. Nitong nakaraang araw, binisita ng koponan sa pamumuno ni G. Carlos R. Rivera Jr. at G. Romeo Tigas (MPDO) ang mga Barangay ng Donacion at Niugan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng prayoridad na programa ng MDRRM Council sa ilalim ni Chairman at Punong Bayan Reynante "Jowar" S. Bautista. Sa Barangay Donacion, sinuri ang Phase 2 ng Embankment and Slope Protection sa Purok Okra. Matatandaang natapos na ang Phase 1 nito noong nakaraang taon, at ang pagpapatuloy ng proyekto ay layong lalong patatagin ang depensa ng lugar laban sa pagguho ng lupa.
Samantala, nagtungo rin ang team sa Barangay Niugan upang sukatin ang ipagagawang drainage canal sa Conrado Street. Ininspeksyon din ang Amisola Street para sa planong Embankment and Slope Protection upang mapigilan ang pag-uka ng lupa tuwing tataas ang tubig sa sapa, lalo na’t nalalapit na ang panahon ng tag-ulan.
Nagpasalamat ang validation team kina Kapitan Jessie Calderon (Donacion) at Kapitan Roberto Maximo (Niugan) sa kanilang personal na paggabay at pakikipagtulungan upang masigurong magiging epektibo ang mga itatayong imprastraktura.








Comments