top of page
bg tab.png

Congratulations, Graduates!


Sa unang pagkakataon, ginanap sa Angat Municipal Gymnasium ang makasaysayang Sabayang Pagtatapos 2024 ng 1,164 mag-aaral mula sa labing-apat na paaralang elementarya sa bayan ng Angat. Ang temang “Kabataang Pilipino sa Matatag na Kinabukasan ng Bagong Pilipinas” ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng edukasyon bilang pundasyon ng maayos na kinabukasan.


Pinangunahan ni Mayor Reynante S. Bautista ang programa, kasama sina Vice Mayor Arvin Agustin, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, District Supervisor Angelita C. Baltazar, mga punong barangay, at mga guro at punong guro mula sa iba’t ibang paaralan.


Sa kanyang talumpati, ipinahayag ng ating Punong Bayan ang kanyang kasiyahan na ang pagtatapos ay idinaos sa Municipal Gymnasium. Aniya, “Ikinagagalak ng inyong lingkod na dito sa ating Municipal Gymnasium ganapin ang inyong makasaysayang Pagtatapos ng Elementarya. Higit ko kasing nadarama na kabahagi ninyo sa pagkakamit ng tagumpay ang ating Pamahalaang Bayan at hindi po ako magsasawang ulit-ulitin sa inyo na isa sa prayoridad ng ating kasalukuyang administrasyon ay ang mga kabataang gaya ninyo.”


Hinimok din niya ang mga magulang at mag-aaral na ipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa abot ng kanilang makakaya. "Kaya naman mahigpit po ang aking paalala sa mga mag-aaral at magulang ng magsisipagtapos ngayong araw na ito na sana, huwag tayo magsasawang itawid ang edukasyon ng ating mga anak hanggang sa kakayanin natin. Umasa kayo na ang Pamahalaang Bayan ng Angat, sa pamamagitan ng aking Tanggapan, ay laging handang umalalay sa inyo," dagdag pa niya.


Para sa mga nagsipagtapos, iniwan ni Mayor Bautista ang isang makahulugang mensahe: “Sa mga minamahal na magsisipagtapos, tuntunin ninyo ang tamang landas tungo sa inyong maayos na kinabukasan. Huwag sumuko sa anumang pagsubok na dumating at gamitin ang inyong nakamit na kaalaman at tagumpay ngayon bilang armas sa pakikipagsapalaran tungo sa inyong magandang kinabukasan.”


Mula sa pamahalaang bayan ng Angat, isang mainit na pagbati ang ipinapaabot sa mga nagsipagtapos mula sa antas ng elementarya. Congratulations, Graduates!

1 view0 comments

Comments


Angat_Logo.png
AsensoAtReporma (1).png

Republika ng Pilipinas

Pamahalaang Bayan ng Angat

Transparency_seal-01.png
FOI-logo.png

Scan the QR Code to install the app

qr code.JPG
bottom of page