Child Protection Policy at mga Programa sa Elderly Week, Pormal na Tinalakay sa Angat

Isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang pinagsamang 3rd Quarter Council Meeting ng iba't ibang lokal na komite at konseho noong ika-16 ng Setyembre 2026 upang talakayin ang mga patuloy na programa para sa kapakanan ng bawat Angateño.
Pinangunahan ang naturang pagpupulong nina Mayor Jowar Bautista at Konsehal Blem Junio Cruz, katuwang sina MSWD Head Officer Menchie Bollas at Population Officer Ludy Clemente. Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Local Council for the Protection of Children (LCPC), Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (LCAT-VAW), Gender and Development (GAD), at iba pang katuwang na ahensya.

Naging sentro ng talakayan ang ulat ng mga programa noong unang semestre, pati na ang pagbuo ng Child Protection Policy upang mas mapatibay ang kaligtasan ng mga kabataan.
Pinag-usapan din ang mga paghahanda para sa National Children's Month sa Nobyembre at ang planong pagbuo ng Memorandum of Understanding (MOU) upang mas mapalawak ang sakop at miyembro ng mga konseho.
Kasama rin sa mga inihayag ang paghahanap sa mga "Golden Couple" ng Angat—mga mag-asawang ikinasal noong taong 1976 pababa—bilang bahagi ng nalalapit na pagdiriwang ng Elderly Week sa Oktubre. Patuloy ang ugnayan ng mga tanggapan upang masiguro ang pagtutulungan tungo sa isang ligtas, makatao, at inklusibong komunidad.










Comments