Bayan ng Angat, Pormal na Inilunsad ang Boys and Girls Week 2025 sa Temang “Frontlines of Change”
- Angat, Bulacan
- Aug 6
- 2 min read

Pormal nang sinimulan sa Bayan ng Angat ang taunang pagdiriwang ng Boys and Girls Week 2025 sa temang “Frontlines of Change.” Layunin ng programa na bigyan ng pagkakataon ang mga piling mag-aaral mula sa iba't ibang pampubliko at pribadong paaralan na maranasan ang aktwal na tungkulin at responsibilidad ng isang lingkod-bayan sa pamamagitan ng pagtatalaga sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang bayan.
Pinangunahan ng Angat Local Youth Development Office at ng Angat SK Federation sa pamumuno ni Mary Grace Evangelista ang programa. Katuwang sa pagsasakatuparan nito ang iba’t ibang organisasyon gaya ng Jowable Youth, Partners for Change, Rotaract Club of Angat, Parish Commission on Youth, at 4-H Angat Chapter, na nagbigay ng suporta upang maging matagumpay ang aktibidad.
Dumalo sa pagbubukas ng programa ang ating Punong Bayan Reynante S. Bautista, Pangalawang Punong Bayan Arvin Agustin, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan. Tampok din ang talumpati ng keynote speaker na si Rafael Miguel Flores, isa sa mga kinatawan ng Pilipinas sa 6th Asian Youth Day sa Daejeon, South Korea. Sa edad na 17, kinilala siya bilang pinakabatang delegado ng bansa.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Flores na ang tunay na pagbabago ay hindi nasusukat sa edad kundi sa konkretong pagkilos. Hinihikayat niya ang kabataan na maging “auditors ng bayan” na tapat at walang pinapalusot, at iginiit ang prinsipyong “Accountability is non-negotiable.” Ayon sa kanya, “Public service is service to the poor, not to the powerful.” Ang mensaheng ito ay nagbigay inspirasyon sa mga kabataang kalahok na maging mapanuri, responsable, at handang magsilbi sa komunidad.
Mga Paaralang Lumahok sa Boys and Girls Week 2025:
Angat National High School
Angel M. Del Rosario Memorial High School
Binagbag National High School
Colegio de Santa Monica de Angat
Franklin Delano Roosevelt Memorial School
Lourdes College of Bulacan, Inc.
President Diosdado P. Macapagal Memorial High School
St. Joseph Kalinangan Integrated School, Inc.
Sa kabuuan, ang Boys and Girls Week ay nagsisilbing mabisang plataporma upang hubugin ang kabataan bilang mga lider na may malasakit, integridad, at kakayahang tumugon sa hamon ng makabuluhang serbisyo publiko. Ito rin ay pagkakataon para sa mga kabataan na maipakita ang kanilang galing, pagiging responsable, at ang kakayahang mag-ambag sa ikauunlad ng kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng programang ito, higit na pinapalakas ang papel ng kabataan bilang frontlines of change sa ating lipunan.
Comments