Bayan ng Angat, Matagumpay na Naipamahagi ang Local Pension ng mga Senior
- Angat, Bulacan

- 2 days ago
- 1 min read

Bilang pagkilala sa natatangi at mahalagang papel ng mga nakatatanda sa komunidad, matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang "Agapay kina Lolo at Lola" Local Social Pension Payout (1st Semester) para sa mahigit kumulang 1,800 benepisyaryo mula sa iba't ibang barangay ng bayan.
Ang programang ito ay patunay ng patuloy na pangako ng lokal na pamahalaan na magkaloob ng suportang pinansyal para sa mga pangangailangan ng mga lolo at lola, partikular na sa kanilang mga gamot at pang-araw-araw na gastusin.
Upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at mabilis na proseso para sa mga nakatatanda, hinati ng pamunuan ang distribusyon sa anim (6) na cluster. Dahil sa estratehiyang ito, naging mas komportable ang paghihintay ng mga benepisyaryo at naiwasan ang mahabang pila.

Naging masugid sa pangangasiwa ng payout ang mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa ilalim ng pamumuno ni Ma'am Menchie Bollas. Naging katuwang din sa tagumpay ng aktibidad ang Municipal Treasurer’s Office, mga Daycare Workers ng Bayan, Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pangunguna ni President Ma'am Rita Cruz at Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines (FSCAP) sa pangunguna ni President Ma'am Elsie Vicente
Ipinahayag ng Pamahalaang Bayan ng Angat na mananatili silang kaagapay ng sektor ng mga senior citizen sa paghahatid ng mga programang may kalakip na mataas na respeto, malasakit, at tunay na pagpapahalaga.
Muling nagpaabot ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan sa lahat ng mga nakiisa at tumulong upang maging mapayapa at matagumpay ang naganap na unang semestre ng pension payout.









Comments