Angat, Nakaamba ang Mabilis na Aksyon sa National Energy Emergency; UPLIFT Program, Ipatutupad
- Angat, Bulacan

- 7 days ago
- 1 min read

Bilang tugon sa idineklarang State of National Energy Emergency ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., agad na nagpatawag ng Full Council Emergency Meeting ang Pamahalaang Bayan ng Angat.
Ang pagpupulong ay nakatuon sa pagpaplano para sa implementasyon ng Executive Order No. 110 s. 2026, o ang Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program. Layunin ng programang ito na magbigay ng kaukulang suporta sa mga sektor na lubhang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East.

Sa ilalim ng direktiba ni Punong Bayan Igg. Reynante S. Bautista, Chairman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), gagamitin ng lokal na pamahalaan ang Quick Response Fund (QRF). Ang pondong ito ay ilalaan sa mga proyekto at programang direktang magbibigay-proteksyon sa mga konsumer, manggagawa, at mga nasa sektor ng transportasyon at agrikultura sa bayan.
Dumalo sa nasabing emergency meeting ang mga Konsehal ng Bayan, Municipal Administrator, mga Department Heads, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Ang hakbang na ito ay bahagi ng proaktibong pamumuno ni Mayor Jowar upang matiyak na hindi mapag-iiwanan ang mga Angateño sa gitna ng pandaigdigang krisis sa enerhiya.









Comments