Angat MDRRMO at mga Kabataan, Nakiisa sa 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill 2026
- Angat, Bulacan

- 2 days ago
- 1 min read

Sa layuning itaas ang antas ng kahandaan laban sa banta ng lindol, matagumpay na nakiisa ang Lokal na Pamahalaan ng Angat at ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa isinagawang 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw, ika-3:30 ng hapon.
Ang naturang pagsasanay ay sentrong idinaos sa Don Pablo Amisola Memorial School sa Barangay Niugan. Binigyang-diin ng MDRRMO na ang pagpili sa paaralan ay bahagi ng estratehiya upang ihanda ang mga kabataang Angateño—ang pag-asa ng bayan—sa mga tamang hakbang na dapat gawin kung sakaling tumama ang sakuna.

Sa tunog ng sirena, ipinamalas ng mga estudyante, guro, at kawani ang tamang pagsasagawa ng "Duck, Cover, and Hold." Ang aktibidad na ito ay mahalagang preparasyon para sa banta ng "The Big One" at iba pang malalakas na lindol na maaaring tumama sa rehiyon. Layunin ng drill na gawing reflex o awtomatiko ang aksyon ng bawat isa upang mabawasan ang pinsala at masiguro ang kaligtasan ng buhay.
Ayon sa pamunuan ng MDRRMO, ang regular na pakikilahok sa NSED ay bahagi ng pangako ng lokal na pamahalaan na gawing kultura ang pagiging handa. Sa pamamagitan ng edukasyon at aktwal na pagsasanay, sinisiguro ng Bayan ng Angat na ang bawat mamamayan ay mananatiling Handa, Ligtas, at Panatag.









Comments