Angat MDRRMC, Nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment Bilang Paghahanda sa Bagyong #OpongPH
- angat bulacan
- Sep 24
- 2 min read

Angat, Bulacan — Bilang bahagi ng paghahanda sa paparating na Bagyong #OpongPH, nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) Scenario Building ang Pamahalaang Bayan ng Angat sa pamumuno ni Punong Bayan at MDRRM Council Chairman Hon. Reynante “Jowar” S. Bautista, katuwang ang mga kasapi ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC).
Pinangunahan ni G. Carlos R. Rivera Jr., Municipal Government Department Head I (MDRRMO), ang isinagawang pagpupulong kung saan tinalakay ang mga posibleng epekto ng bagyo sa bayan at ang mga kaukulang hakbang na isasagawa ng bawat response agency ng lokal na pamahalaan.
Scenario Building at Weather Update
Sa ginawang scenario building, tinalakay ang iba’t ibang posibleng sitwasyon at epekto ng paparating na bagyo, kabilang ang pagbaha, pagguho ng lupa, at posibleng pinsala sa imprastraktura.Nagbigay rin si G. Rivera ng pinakahuling ulat sa lagay ng panahon, kung saan iniulat na si #OpongPH ay ganap nang naging Severe Tropical Storm, at huling namataan 705 kilometro silangan ng Surigao City, taglay ang hangin na aabot sa 95 km/h at bugso hanggang 115 km/h, habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 20 km/h.
Pagtaas ng Alert Level at Pagpapatakbo ng Emergency Operations Center
Itinaas na ng Angat MDRRMO ang antas ng kahandaan sa #BlueAlert Status, at ganap nang inilunsad ang Emergency Operations Center (EOC) bilang tugon sa paparating na bagyo.Mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang tanggapan sa DOST-PAGASA at sa Pamahalaang Nasyonal para sa patuloy na pag-monitor ng lagay ng panahon.
Koordinasyon at Paghahanda sa Barangay at Ibang Ahensya
Katuwang ng MDRRMO ang mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committees (BDRRMCs) sa pagsasagawa ng consultation at risk assessment upang mapalakas ang kahandaan sa bawat barangay.Patuloy rin ang koordinasyon sa mga kaukulang ahensya gaya ng Angat PNP, Angat BFP, DepEd Angat District, MSWDO, at iba pang tanggapan para sa mabilis at koordinadong pagtugon.
Nakaantabay din ang #AngatRescue Team at ang mga rescue equipment ng bayan para sa agarang operasyon kung kinakailangan. Inihahanda na rin ang Angat Evacuation and Isolation Facility bilang posibleng evacuation site sakaling kailanganin ang paglikas ng mga residente.
Pahayag ng Pamunuan
Ayon kay Mayor Reynante “Jowar” S. Bautista, layunin ng mga paghahandang ito na matiyak ang “Handa, Ligtas, at Panatag na Angateño” sa harap ng paparating na bagyo.
Patuloy namang nananawagan ang Angat MDRRMO sa publiko na manatiling alerto at subaybayan ang mga opisyal na anunsyo at weather updates mula sa kanilang opisina para sa mga pinakabagong impormasyon ukol sa Bagyong #OpongPH.








Comments