Angat LGU, Naghatid ng MJSB sa Barangay Marungko
- Angat, Bulacan

- 3 days ago
- 1 min read

Patuloy na isinasakatuparan ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang direktang pag-abot ng mga pangunahing serbisyo sa pamamagitan ng Municipal Joint Services sa Barangay (MJSB). Nitong huli, nagtungo ang MJSB sa Barangay Marungko at naghatid ng tulong sa humigit-kumulang 500 residente.
Sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya at sektor—tulad ng Damayan sa Barangay (DSB), Angat Eye Clinic, Angat Kalusugan, at ang Sangguniang Barangay ng Marungko, naipagkaloob ang malawak na hanay ng serbisyong konsultasyon at iba pang medikal na serbisyo para sa kalusugan at kabuhayan at pagdalaw sa bahay. Personal na dinalaw ang 23 residente na may karamdaman at hindi nakapunta sa venue upang maihatid ang serbisyong kinakailangan nila.
Kasabay ng MJSB, isang Dental Mission ang isinagawa sa Dr. Antonio C. Villarama Memorial School sa 32 mag-aaral ang sumailalim sa dental check-up at 60 mag-aaral ang tumanggap ng hygiene kits bilang pagpapalakas sa wastong kalinisan at dental care.
Katuwang sa misyong ito ang mga propesyonal na sina Dra. Monina Manuel, Dra. Marivic Rimando–Abelardo, at Dr. Primo De Guia.
Nakisama rin sa paghahatid ng serbisyo ang mga volunteers mula sa lokal na pamahalaan, ang JOWABLE Youth, at mga volunteer na masahista na nagbigay ng libreng masahe at wellness support sa mga residente.
Nagpahayag ng lubos na pasasalamat ang LGU sa lahat ng nagbahagi ng oras, serbisyo, at dedikasyon, mga kawani, volunteers, at barangay partners, na naging katuwang sa matagumpay na pag-abot ng tulong sa Marungko.
Ang mensahe ng Pamahalaang Bayan: "Tuloy-tuloy ang serbisyo, tuloy-tuloy ang malasakit, at tuloy-tuloy ang pagtugon sa pangangailangan ng bawat Angatenyo."








Comments