Angat, Ipinagmamalaki ang Kultura at Pananampalataya sa Singkaban Festival 2025
- Angat, Bulacan
- Sep 11
- 1 min read

Sa pagbubukas ng Singkaban Festival 2025, buong karangalan nating iprinisinta ang yaman ng ating bayan—ang ating pananampalataya, kasaysayan, at kultura. Ang Angat ay nakibahagi hindi lamang bilang kalahok, kundi bilang tunay na katuwang sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng mga tradisyong Bulakenyo na patuloy na nagbibigay-buhay sa ating pagkakakilanlan.
Tampok sa ating paglahok ang Karosa ng Angat, isang makulay na obra na sumasalamin sa kasipagan, pananampalataya, at pagkakaisa ng mga Angateño. Itinampok dito ang Parokya ni Sta. Monica bilang sagisag ng ating matibay na pananalig, na pinalamutian ng masining na singkaban, makukulay na bulaklak, at masaganang ani mula sa GulayAngat Festival—isang taos-pusong pagpupugay sa ating mga magsasaka bilang haligi ng ating komunidad.
Sakay ng ating karosa sina Hari ng Angat, Carl Joseph Suarez, at Reyna ng Angat, Juliana Christine Galang, na magsisilbing opisyal na kinatawan ng ating bayan sa Hari at Reyna ng Singkaban 2025. Sa kanilang tikas, talino, at dangal ay naipamalas nila ang mukha ng kabataang Angateño—mga kabataang handang maging tinig at larawan ng ating kultura sa mas malawak na entablado ng buong Bulacan.
Habang patuloy nating pinapangalagaan at pinararangalan ang ating mayamang tradisyon, sabay-sabay din nating isinusulat ang bagong kwento ng pag-unlad ng ating bayan—isang kwento ng pag-asa, kasipagan, at pagkakaisa na siyang patuloy na mag-aangat sa Angat at sa lahat ng Angateño.
Comments