Sa ikalawang quarter joint meeting ng Municipal Peace and Order Council (MPOC) at Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) na ginanap noong ika-18 ng Mayo, pinangunahan ni Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Ernest Kyle Agay ang mahalagang pagtitipon upang talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng seguridad at kaayusan sa bayan ng Angat.
Isa sa mga pangunahing tagapagsalita sa nasabing pagpupulong ay si Police Major (PMAJ) Mark Anthony San Pedro, na nagbahagi ng mga naisakatuparang tungkulin ng kapulisan sa nagdaang mga buwan. Kasama rin sa mga nag-ulat si Fire Inspector (F/Inps) Joselito Sunga na nagbigay ng update sa mga nagawang hakbangin ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Si Lieutenant (Lt.) Gerald Alquiza mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nagbigay ng masusing ulat tungkol sa kalagayan ng seguridad sa lalawigan. Ayon sa kanya, ang kooperasyon sa pagitan ng militar at lokal na pamahalaan ay mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating bayan.
Nagbahagi din si Local Disaster Risk Reduction and Management Officer (LDRRMO) Ma. Lourdes Alborida ng mga updates sa mga naisakatupang gawain pagdating sa disaster preparedness. Binanggit niya ang ilang mga programa at proyekto na isinagawa upang masiguradong handa ang komunidad sa anumang kalamidad na maaaring dumating.
Dinaluhan ang nasabing pagtitipon ng ating Punong Bayan Reynante S. Bautista, Konsehal William Vergel De Dios, mga Punong Barangay ng Angat, at ilang mga pinuno ng iba't ibang tanggapan ng Pamahalaang Bayan.
Ang ganitong mga pagtitipon ay nagbibigay-daan upang mas mapalakas ang kooperasyon sa pagitan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan at ng komunidad. Ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapaigting ng seguridad, kaayusan, at katahimikan sa bayan ng Angat.
Comments