19,472 Pamilya sa Angat, Tumanggap ng tig-10 Kilong Bigas Subsidy
- Angat, Bulacan

- 2 days ago
- 1 min read

Isang malaking tulong para sa pang-araw-araw na gastusin ang inihatid ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Angat matapos ang matagumpay at malawakang distribusyon ng Rice Subsidy 2026 sa lahat ng barangay na nasasakupan ng bayan.
Sa kabuuan, umabot sa 19,472 pamilya ang bawat isa ay nakatanggap ng sampung (10) kilong de-kalidad na bigas, na naglalayong magbigay-ginhawa at direktang ayuda sa mga hapag-kainan ng mga Angateño.
Ang nasabing tulong na bigas ay nagmula sa Pambansang Pamahalaan, na may orihinal na layunin na magkaloob ng ayuda sa katumbas ng 10% ng kabuuang bilang ng mga tahanan sa bawat lokalidad.

Gayunpaman, dahil sa epektibong koordinasyon, masusing pagpaplano, at dedikasyon ng pamunuan ng Angat, higit na nalampasan ang paunang target. Sa bayan na may tinatayang 18,740 kabahayan, higit sa 90% ng kabuuang mga tahanan ang aktwal na nabiyayaan at naabutan ng tulong—isang patunay ng tapat at inklusibong serbisyo publiko.
Personal na pinangunahan at pinangasiwaan ang distribusyon ni Punong Bayan Igg. Reynante S. Bautista, katuwang si MSWDO Menchie Bollas at ang buong puwersa ng mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Naging susi rin sa mabilis, maayos, at sistematikong pag-abot ng ayuda ang pakikipagtulungan ng mga sumusunod:
Mga Opisyal ng Barangay (mga Kapitan at Kagawad)
Mga Kawani ng Munisipyo
Mga Boluntaryong mamamayan na nag-alay ng lakas upang mabuhat at maipamahagi ang mga sako ng bigas.
Nagpaabot ng malalim na pasasalamat ang Lokal na Pamahalaan sa lahat ng mga naging bahagi at nagbuhos ng pawis para sa tagumpay ng malaking proyektong ito.









Comments