PhilHealth YAKAP at Super Health Center Upgrade, Inilatag sa Local Health Board Meeting ng Angat
- Angat, Bulacan

- May 26
- 2 min read

Upang masiguro ang tuluy-tuloy na pag-unlad at pagpapalawak ng mga serbisyong medikal para sa bawat mamamayan, matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Angat ang isang mahalagang pagpupulong ng Local Health Board (LHB).
Ang nasabing diskusyon ay pinangunahan ni Municipal Health Officer Dra. Guillerma Bartolome, kasama si Punong Bayan Igg. Reynante S. Bautista, Konsehal JP Solis (Tagapangulo ng Komite sa Kalusugan), at iba pang mga dedikadong miyembro ng konseho at sektor ng kalusugan sa bayan.
Naging sentro ng pagpupulong ang pagbalangkas ng mga konkretong hakbang upang gawing mas abot-kaya at de-kalidad ang pangangalagang medikal sa Angat. Kabilang sa mga mahahalagang adyenda na tinalakay ay ang mga sumusunod:
PhilHealth YAKAP Accreditation: Pagsusuri sa mga kinakailangang dokumento upang selyohan ang akreditasyon ng mga lokal na health facilities bilang PhilHealth YAKAP Clinic at GAMOT Facility, na magbibigay ng mas malawak na libreng serbisyo at gamot sa mga miyembro.
Operasyon ng Super Health Center: Pagpasa ng mga resolusyong may kaugnayan sa pagpapabuti ng serbisyo nito, partikular na ang mas maayos na pharmacy operations upang matiyak na laging may sapat na suplay ng libreng gamot para sa publiko.
Adbyoransa sa Mental Health: Ang pagtatalaga ng isang opisyal na Mental Health Focal Person upang tutukan ang mga programa para sa sikolohikal at emosyonal na kalusugan ng mga mamamayan.
Operation Tuli: Pagpaplano para sa nalalapit na libreng tuli para sa kabataan ng Angat ngayong panahon ng bakasyon.

Ayon sa pamunuan, ang pagkakaisa ng ehekutibo, lehislatibo, at ng Rural Health Unit (RHU) ay patunay na hindi tumitigil ang bayan sa paghahanap ng paraan upang mapataas ang antas ng pamumuhay ng mga Angatenyo sa pamamagitan ng malusog na pangangatawan.
"Sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya, patuloy nating isinusulong ang mas maayos, mas abot-kaya, at mas de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa bawat mamamayan ng ating bayan," saad ng pamunuan ng LGU Angat.









Comments