Pagpapatibay ng Koordinasyon sa Pagtugon sa Kalamidad: OCD at PDRRMO Bulacan, Bum visita sa Bayan ng Angat
- angat bulacan
- Sep 9
- 2 min read

Angat, Bulacan — Bilang bahagi ng pagpapatatag ng ugnayan sa pagitan ng nasyunal at lokal na pamahalaan, bumisita sina Office of Civil Defense (OCD) Regional Director Amador Corpuz at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Head Manuel Lukban sa ginaganap na Basic Incident Command System (BICS) Training ng mga miyembro ng Angat Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC).
Sinalubong sila ni G. Carlos R. Rivera Jr., Municipal Government Department Head I (MDRRMO), upang personal na talakayin ang mga strategiya at hakbang para sa pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Angat at mga ahensya ng pamahalaang nasyunal.
Layunin ng naturang konsultasyon ang pagpapatibay ng mga programa, proyekto, at aktibidad na naglalayong palakasin ang kahandaan ng bayan sa harap ng lumalalang banta ng mga kalamidad.
Pahayag ng OCD at PDRRMO Officials
Nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si RD Amador Corpuz sa mga kalahok ng BICS Training. Ayon sa kanya, ang Basic Incident Command System ay isang mahalagang hakbang para sa maagap, organisado, at epektibong pagtugon sa oras ng sakuna.
Pinuri rin niya ang aktibong partisipasyon ng mga miyembro ng DRRM Council ng Angat sa pagsasanay, lalo na’t nalalapit ang GULAYAngat Festival 2025, na inaasahang dadaluhan ng daan-daang bisita at kalahok.
“Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa Incident Command System ay hindi lamang para sa kalamidad, kundi para rin sa kaligtasan ng publiko sa malalaking pagtitipon. Ito ay pundasyon ng isang panatag at ligtas na turismo,” ani RD Corpuz.
Suporta ng Lokal na Pamahalaan ng Angat
Ipinahayag naman ni G. Carlos R. Rivera Jr. na patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Bayan ng Angat, sa pamumuno ni Punong Bayan at MDRRM Council Chairman Hon. Reynante “Jowar” S. Bautista, sa mga inisyatibang naglalayong mapanatili ang kaligtasan at katatagan ng komunidad.
“Kaisa ang Bayan ng Angat sa layunin ng OCD at PDRRMO na palakasin ang koordinasyon at kapasidad ng mga lokal na tanggapan para sa isang handa, ligtas, at matatag na pamayanan,” pahayag ni Rivera.
Isang Mas Matatag na Kooperasyon
Ang pagbisita nina RD Corpuz at Head Lukban ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng nasyunal at lokal na pamahalaan upang mapaigting ang kahandaan sa kalamidad, hindi lamang sa Angat, kundi sa buong lalawigan ng Bulacan.
Sa patuloy na pagpapatupad ng mga pagsasanay at programang pangkaligtasan, nananatiling adbokasiya ng bayan ang “Handa, Ligtas, at Panatag na Angateño.”









Comments