top of page
bg tab.png

Nutrition Month Culminating Activity 2025, Matagumpay na Idinaos sa Bayan ng Angat



ree

Sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Angat, katuwang ang Nutrisyon Angat at pakikipagtulungan ng mga paaralan at mga volunteers, matagumpay na isinagawa ang Nutrition Month Culminating Activity nitong Hulyo 30, 2025. Ang selebrasyon ngayong taon ay may temang “Food at Nutrition Security, Maging Priority! Sapat na Pagkain, Karapatan Natin!”


Ipinamalas ng mga piling estudyante mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Angat ang kanilang talento at pag-unawa sa kahalagahan ng nutrisyon sa pamamagitan ng iba’t ibang paligsahan. Sa Poster Making Contest, nagningning ang kanilang husay sa sining sa pamamagitan ng makukulay na likhang may makabuluhang mensahe. Sinundan ito ng Slogan Making Contest kung saan nagtagisan ng talino ang mga mag-aaral sa pagbubuo ng maiikli ngunit makahulugang pahayag na nagsusulong ng tamang pagkain at kalusugan para sa lahat.


Hindi rin nagpahuli ang Nutri Jingle Contest na pinagsama ang galing sa pag-awit at pagsayaw upang maiparating sa mas masayang paraan ang kahalagahan ng wastong nutrisyon.


Bilang pagkilala naman sa mga taong patuloy na naglilingkod para sa kapakanan ng kalusugan sa komunidad, ipinagkaloob ang Long Service Award sa mga piling volunteers na maraming taon nang nag-aalay ng oras, lakas, at puso para sa mga programang pangkalusugan at pang-nutrisyon sa Angat. Ang kanilang dedikasyon ay nagsilbing inspirasyon sa lahat ng dumalo at patunay na ang tunay na pagbabago sa lipunan ay nagsisimula sa walang sawang serbisyo.


Lubos ang pasasalamat ng Nutrisyon Angat sa mga nagsilbing hurado ng iba’t ibang patimpalak: sina Gng. Menchie Marcelo Bollas mula sa MSWDO, Gng. Eva Julian De Guzman mula sa MENRO, at FSINSP Arnel T. Canoza ng BFP Angat para sa Poster at Slogan Making Contest; gayundin sina G. Carlos Rey Rivera Jr. ng MDRRMO, Gng. Leni DG Enriquez ng Municipal Budget Office, at Dra. Guillerma A. Bartolome, MD, FPOGS ng RHU para sa Nutri Jingle Contest. Ang kanilang propesyonalismo at malasakit ay naging mahalagang bahagi ng tagumpay ng buong selebrasyon.


Sa kabuuan, ang Nutrition Month Culminating Activity ay hindi lamang naging tagpuan ng talento at galing ng mga Angateño, kundi isa ring paalala na ang malusog na pamumuhay ay responsibilidad nating lahat — bata man o matanda.

Angat_Logo.png

Republika ng Pilipinas

Pamahalaang Bayan ng Angat

Transparency_seal-01.png
FOI-logo.png

Scan the QR Code to install the app

qr code.JPG
PATULOY ANG A&R.png
bottom of page