Municipal Assessor’s Office, Todo-Sikap sa Pag-moderno ng Section Maps ng Angat
- Angat, Bulacan

- May 5
- 1 min read

Upang maging mas mabilis, tumpak, at transparent ang mga transaksyon sa lupa, patuloy ang Municipal Assessor’s Office ng Angat sa kanilang malawakang pag-update at pagsasaayos ng mga Section Maps at opisyal na records ng bayan.
Ang proyektong ito ay mahigit dalawang taon nang aktibong isinasagawa sa pamamagitan ng masusing pagpapatunay at paggamit ng mga lehitimong datos mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), pati na rin sa mga naisumiteng Private Survey Plans.
Layunin ng pinaigting na programang ito na makapagbigay ng isang malinaw, maaasahan, at updated na mapping system para sa buong nasasakupan ng Angat. Sa pamamagitan nito, mas madali nang matutukoy ang tamang hatian ng mga lupain at maiwasan ang anumang kalituhan sa mga ari-arian.
Nililinaw ng Municipal Assessor's Office na ang kanilang Section Map ay magsisilbing gabay o sanggunian lamang. Ito ay hindi maaaring ipalit o maging katumbas ng anumang opisyal na Approved Survey Plan.
Alinsunod sa Data Privacy Act of 2012 dahil sa sensitibong impormasyon na nakapaloob sa mga dokumentong ito, mahigpit na ipinatutupad ang batas sa proteksyon ng datos. Ang mga kopya ng mapa at talaan ay maaari lamang makuha sa opisina ng mga kwalipikadong indibidwal o mga mismong may-ari ng ari-arian.
Tinitiyak ng Municipal Assessor’s Office sa lahat ng mga Angatenyo na ang kanilang mga personal na impormasyon at opisyal na tala ng mga ari-arian ay nananatiling ligtas at protektado sa ilalim ng batas.
Patuloy ang pagsisikap ng buong tanggapan na itaas ang kalidad ng serbisyo publiko upang maging mas moderno at kapani-paniwala ang bawat dokumentong inilalabas ng Pamahalaang Bayan.









Comments