MPOC at MADAC, Nagsagawa ng 3rd Quarter Joint Meeting sa Bayan ng Angat
- Angat, Bulacan

- Aug 31
- 2 min read

Pinangunahan ni Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Ernest Kyle D. Agay ang 3rd Quarter Joint Meeting ng Municipal Peace and Order Council (MPOC) at Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) na isinagawa upang talakayin at iulat ang mga hakbangin ng lokal na pamahalaan para sa kapayapaan, kaligtasan, at kaayusan sa Bayan ng Angat. Layunin ng pagtitipon na magsilbing plataporma ng talakayan at pagpapalitan ng impormasyon upang mas mapatatag ang mga polisiya at programang ipinatutupad ng iba’t ibang ahensya at sektor ng lipunan.
Sa nasabing pagpupulong, nagbahagi ng kanilang mga accomplishment report ang mga pangunahing ahensya na katuwang ng pamahalaang lokal sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan:
Angat PNP sa pangunguna ni PCPT Jayson M. Viola, na nag-ulat ng mga kasalukuyang operasyon laban sa kriminalidad, pagpapatrolya, kampanya laban sa droga, at mga programang pangkomunidad na naglalayong magbigay proteksyon at seguridad sa mga residente.
Angat BFP sa pangunguna ni FS/INSP Arnel T. Canoza, na nagbahagi ng kanilang mga inisyatiba at aktibidad para sa pagpigil at mabilis na pagtugon sa mga insidente ng sunog, kabilang na ang mga kampanya para sa fire safety awareness at pagsasagawa ng fire drills sa mga barangay at paaralan.
POC Focal Person Aldwin John Fajardo, na naglahad ng Peace and Order and Public Safety (POPS) Plan, kung saan nakapaloob ang mas pinaigting na mga hakbangin upang mapanatili ang katahimikan, maayos na pamumuhay, at mas ligtas na kapaligiran para sa lahat ng Angatenyo.
Dinaluhan din ang pagpupulong nina Punong Bayan Reynante S. Bautista, Konsehal Andrew Tigas, mga Punong Barangay, kinatawan mula sa iba’t ibang Civil Society Organizations (CSOs), at mga kawani ng Pamahalaang Bayan. Ang kanilang presensya at aktibong pakikilahok ay patunay ng iisang layunin—ang pagtutulungan at koordinasyon ng bawat sektor upang masiguro ang isang ligtas, maayos, at maunlad na pamayanan.
Binigyang-diin sa pagpupulong na mahalaga ang pagbabahagi ng datos at impormasyon upang matukoy ang mga hamon at mas epektibong makapagtakda ng mga konkretong hakbang para tugunan ang mga ito. Kabilang dito ang pagpapatibay ng mga programa kontra-krimen, mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na droga, pagpapahusay ng mga serbisyong pangkaligtasan, at mas aktibong partisipasyon ng komunidad sa mga programa ng pamahalaan.









Comments