MENRO Angat, Mas Pinahigpit ang Implementasyon ng R.A. 9003 sa Barangay Paltok
- Angat, Bulacan

- Mar 21
- 1 min read

Sa layuning tuluyang tuldukan ang problema sa halo-halong basura, muling pinaigting ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) Angat ang kampanya para sa tamang waste segregation sa isinagawang IEC/CEPA (Information, Education, and Communication / Communication, Education, and Public Awareness) nitong ika-7 ng Marso, 2026.
Ang aktibidad ay ginanap sa Paltok Covered Court kasabay ng isinagawang State of the Barangay Address (SOBA) sa nasabing lugar. Sentro ng talakayan ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Sa nasabing pagtitipon, binigyang-diin ng MENRO ang mahalagang anunsyo: Hindi na tatanggapin ang “mixed waste” o halo-halong basura sa Transfer Station ng Angat na matatagpuan sa Brgy. Binagbag. Nangangahulugan ito na ang mga basurang hindi maayos na naihiwalay (nabubulok, di-nabubulok, at recyclables) ay hindi na hahakutin o tatanggapin sa pasilidad.
Layunin ng polisiyang ito na disiplinahin ang bawat sambahayan sa tamang pagtatapon at mabawasan ang bolyum ng basurang dinadala sa landfill. Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente ng Paltok na makiisa at isabuhay ang tamang segregasyon upang matiyak ang isang malinis, maayos, at luntiang komunidad.









Comments