MDRRMO Angat, Isinagawa ang Field Validation para sa mga Disaster Mitigation Projects
- Angat, Bulacan

- Feb 12
- 1 min read

Upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at protektahan ang mga ari-arian mula sa banta ng sakuna, isinagawa ng Angat Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang isang masusing field validation sa mga prayoridad na proyekto para sa taong 2026.
Sa pangunguna ni G. Carlos R. Rivera Jr., MDRRM Officer, at katuwang ang Municipal Planning and Development Office (MPDO), binisita ng koponan ang mga barangay na nangangailangan ng agarang interbensyon. Ang aktibidad na ito ay bahagi ng mga programa ng MDRRM Council sa ilalim ng pamumuno ni Chairman at Punong Bayan Igg. Reynante "Jowar" S. Bautista.
Sa Barangay Binagbag, tinukoy ang pangangailangan para sa slope protection sa Purok 5 upang maiwasan ang pagguho ng lupa at pinsala tuwing umaapaw ang creek. Isasagawa rin ang drainage canal sa Purok Tubigan para sa mas maayos na daloy ng tubig. Samantala, nagtungo rin ang koponan sa Barangay Laog upang inspeksyunin ang gagawing drainage system sa Sarog Street at slope protection sa Luwasan para protektahan ang mga kabahayan at pananim laban sa erosyon.
Nagpaabot ng pasasalamat ang Field Validation Team kina Kapitan Christopher Villarama (Binagbag) at Kapitan Paterno Manayao (Laog) sa kanilang aktibong pakikilahok at koordinasyon. Ang pag-iikot na ito ay simula pa lamang ng serye ng balidasyon upang matiyak na ang pondo ng bayan ay mapupunta sa mga proyektong tunay na magliligtas sa buhay ng mga Angateño.








Comments