Local School Board Meeting sa Bayan ng Angat, Tinalakay ang mga Proyekto at Pangunahing Pangangailangan ng mga Paaralan
- Angat, Bulacan

- Aug 22
- 2 min read

Isinagawa kamakailan ang pagpupulong ng Local School Board (LSB) ng Bayan ng Angat na pinangunahan ni Dr. Guillermo Flores, Tagamasid Pampurok. Dumalo sa naturang pagpupulong ang ating Punong Bayan Reynante S. Bautista, kasama si Konsehal Wowie Santiago at iba pang kasapi ng lupon, upang talakayin ang mahahalagang usapin hinggil sa kalagayan ng mga paaralan at sa implementasyon ng mga proyektong pang-edukasyon.
Isa sa mga pangunahing tinalakay ang status ng LSB Repair Program para sa buwan ng Hunyo at Hulyo 2025, na sumasaklaw sa kabuuang 10 paaralan/distrito. Bukod dito, inilahad rin ang mga nakatakdang pagsasaayos para sa mga piling paaralan gaya ng DAMS, TRMES, BCCES, ANHS, at ACCSES. Layunin ng mga pagsasaayos na ito na mapabuti ang pisikal na kalagayan ng mga paaralan upang mas maging ligtas, maayos, at kaaya-aya ang kapaligiran para sa mga mag-aaral at guro.
Hindi rin nakaligtaan ang pagsusuri sa status ng LSB budget utilization upang matiyak ang wastong paggastos ng pondo para sa mga prayoridad na proyekto. Kabilang din sa mga natalakay ang ALS Graduation Assistance na matagumpay na isinagawa noong Hulyo 7, 2025, bilang suporta sa mga mag-aaral na nagtapos sa Alternative Learning System.
Bukod dito, ipinrisinta rin ang ilang nakabinbing proyekto gaya ng cemented path walk/pavement sa ASDGES at ang school stage concrete wall, na parehong layong mapahusay ang imprastruktura at pasilidad ng mga paaralan.
Kasama ring natalakay ang kalagayan ng mga clerks, security, at utility personnel na pinopondohan mula sa School Board Fund, sapagkat mahalaga ang kanilang tungkulin sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng kaayusan sa mga paaralan. Tinalakay rin ang iba pang mga usaping may kaugnayan sa pagtugon sa agarang pangangailangan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng edukasyon.
Sa kabuuan, layunin ng pagpupulong na masiguro ang maayos at epektibong paggamit ng pondo ng Local School Board, at higit sa lahat, ang pagtutok sa mga pangunahing pangangailangan ng mga paaralan. Ang mga hakbang na ito ay nakatuon sa pagpapatibay ng kalidad ng edukasyon sa Bayan ng Angat, bilang bahagi ng mas malawak na adhikain na bigyan ang bawat batang Angateño ng ligtas, maayos, at de-kalidad na karanasan sa pag-aaral.









Comments