HANDA NA LOKAL NA PAMAHALAAN, PANATAG NA PAMAYANAN!
- Angat, Bulacan

- Jul 22
- 2 min read

Patuloy ang pagkilos ng Pamahalaang Bayan ng Angat sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), sa ilalim ng pamumuno ni G. Carlos R. Rivera Jr., MGDH I, upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng bawat Angateño sa harap ng banta ng patuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Isa sa mga pangunahing hakbang na isinagawa ng MDRRMO ay ang personal na pag-ikot sa mga barangay na dinaraanan ng Ilog Angat upang subaybayan ang antas ng tubig at tiyakin na walang komunidad ang nasa panganib. Sa kasalukuyang monitoring, non-passable o hindi madaanan ang Banaban Bridge, na nagsisilbing daanan patungo sa Banaban 2. Sa kabila nito, wala namang naiulat na mga lugar na lubog sa baha sa kasalukuyan, base sa ulat mula sa field monitoring teams.
Kasabay ng gawaing ito, nagtungo rin si Gng. Menchie Bollas, Head ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Office ng Angat, upang personal na i-monitor ang mga evacuation centers. Ang kanyang presensya ay nagpapatunay ng kahandaan ng pamahalaan na tugunan ang anumang pangangailangan ng mga evacuees sakaling kailanganin ang agarang paglikas.
Hindi rin nagpaiwan ang kapulisan sa pagbabantay sa kalagayan ng bayan. Si PCpt. Jayson M. Viola ng Pulisya ng Angat ay nagtungo mismo sa tanggapan ng MDRRMO upang makipag-ugnayan at tumulong sa pagpapalitan ng impormasyon at paghahanda laban sa posibleng epekto ng malalakas na pag-ulan.
Bilang bahagi ng kahandaan, nagsagawa rin ang MDRRMO ng prepositioning o maagang paghahanda ng relief packs sa mga strategic areas. Layunin nitong matiyak na may agarang tulong na maibibigay sa oras ng sakuna o kalamidad, lalo na sa mga komunidad na maaaring ma-isolate kapag tumaas ang tubig.
Ang lahat ng ito ay isinagawa alinsunod sa direktiba ng ama ng Bayan ng Angat at MDRRM Council Chairperson, Hon. Reynante "Jowar" S. Bautista. Mula pa bago magsimula ang panahon ng tag-ulan, ay naglabas na ng direktiba ang alkalde sa lahat ng barangay na simulan ang paglilinis ng mga kanal, creek, at paggawa ng drainage canals upang mapigilan ang mabilis na pagbaha. Isa ito sa mga konkretong hakbang na nagpapatunay ng maagap na pamumuno para sa kaligtasan ng bayan.
Sa harap ng anumang kalamidad, ang Angat ay patuloy na kumikilos—handa ang lokal na pamahalaan, at panatag ang mamamayan!
Para sa mga kagyat na pangangailangan o emergency, makipag-ugnayan lamang sa:
Angat Rescue Hotline:0923-926-3393 / 0917-710-5087









Comments